Gimik? Oo naman. Marunong din naman akong gumimik. Kaya nga nitong Lunes na gabi ay kinulit ko sa text ang isang dating kabarkada. Kako’y magpatumba naman kami ng ilang bote. So ‘yun, pumayag naman. Natawa pa nga ako dahil habang nakatambay ako’t hinihintay siya sa isang kanto (dahil ayokong magmukhang engot na mag-isa sa mesa sa Sharky’s), naka-relate ako sa pakiramdam ng mga “panggabing nilalang” na naghihintay ng “client.” Mainipin kasi ako’t ayaw na ayaw ng naghihintay, pero ang galing magpahintay. Pero gago rin ako ‘no? Mas ninais ko pang maghintay sa kanto na tila callboy kaysa magmukmok na parang hiniwalayan ng girlfriend sa isang gilid ng restaurant.

So nang magkita, nagpatumba na kami ng ilang boteng serbesa — konti lang, mahina kasi kami sa inuman — isang platong buto ng kasoy at isang platong sisig, at muling nagsenti sa nakalipas na mga kaibigan, niligawang nambasted, mga nagkagustong hindi pinansin, ang walang kamatayang diskusyon tungkol sa mga mala-“quarter-life crisis” na sitwasyon, at siyempre, ang mga plano sa buhay, lalo na sa trabaho.

Gaya nang dati, pagkatapos ay naglakad-lakad kami sa kahabaan ng Timog. (Dati’y muntik na akong mahagip ng isang kotseng humaharurot isang gabing nagliliwaliw kami sa Morato Avenue.) Napadako kami sa may Padi’s, na alam ng marami sa atin na sikat sa mga — alam n’yo na ‘yun. So, pumasok kami’t tumambay. Maya-maya’y nakisayaw na rin kami sa dance floor. (Sa mga kakilala ako, huwag kayong masuka. Ok lang ‘yun, madilim naman at ‘yung kasama ko lang ang nakakakilala sa akin, hehehe). ‘Yung kaibigan ko’y nakasilo ng isang medyo cute na teenager na kahawig ninuman kina Maui Taylor o ni Luli na anak ni Ate Glo. Ako nama’y nakipagsayaw sa isang sa bandang huli’y pinaghinalaan naming kalapating mababa ang lipad (bigla ba namang nagsasayaw sa harapan ko noong nakaupo na kami, at tinatanong kung saan daw ako umuuwi) at sa isa pang teenager na kabarkada ata ni Luli-lookalike. Pero itong huli ay tila bored na bored sa akin. Sabagay, hindi ako kasing-guwapings nitong kagimik ko. Anu’t anuman, patunay lamang ‘yan na dahil ‘di mabenta sa chicks (o sa boys), ligtas ako sa anumang “tukso” kaya’t ‘di dapat mag-alala ang mahal kong Lakambini kahit mukha raw akong playboy sabi ng Nanay niya.

Nang juminggel naman ako sa banyo, may isang lalaking bigla na lang akong minasahe. Siyempre, nagulat ako. Alam ko na may perang kapalit ‘yun. So naghanap na ako. Eh malas, limang piso lang ang barya sa bulsa ko. Nahihiya man, nagpasalamat na lang ako sa pagpupunas ng alkohol at pagpukpok sa balikat ko at iniabot ang barya. Sorry siya, wrong timing. Alangan namang ibigay ko sa kanya ‘yung Ninoy sa wallet ko. Ano, bale?

At eto ang matindi: Paglabas nami’y hinarangan kami ng mga bantay, hinahanap ang gate pass namin. Ano ba ‘ika namin ‘yang gate pass na ‘yan, eh wala namang ibinigay sa amin. Basta, ibinibigay raw ng waiter ‘yun pagkatapos naming magbayad. Siyempre, hindi kami binigyan nu’n dahil hindi naman kami um-order ng anuman — naki-jammin’ lang naman kami sa mga “kabataan” (feeling matanda na kami ng kumpare ‘ko).

Sinubukan naming magpalusot. Ako’y lumabas na’t umastang aalis, pero ang kasama ko’y hinatak papasok. With my pa-inosente as usual attitude, sumunod ako’t umakyat na rin. Itinuro namin ang mesang inupuan namin at pumunta sa counter ang guwardiya o waiter ‘yata ‘yun. Maya-maya’y medyo apologetic at nakangiti na itong lumapit. Okay na raw. Good. So, bumaba na kami ulit. Sa may hagdan pababa, inabutan ako ng isang waiter ng gate pass na nakangiti pa rin. Ok, salamat ‘ika ko. At lumabas kaming mayabang ang asta.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center