Araw ng Kalayaan

Ginugunita sa araw na ito ang pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas na ginawa noong Hunyo 12, 1898 sa Cavite.

Kung tutuusin, hindi masisisi ang mga nagdududa sa kawastuhan ng pagdiriwang. Ang idineklara ay kalayaan mula sa Espanya. Ang nagdeklara ay ang taong isinasangkot sa pagpatay kay Andres Bonifacio, Ama ng Himagsikang Pilipino. Ang ipinagbunying bagong diktadurang pamahalaan ay nasa ilalim naman ng pagkandili ng bagong mananakop.

Kaya lang, naging bahagi na ito ng ating kasaysayan. Ilang dekada na itong opisyal na ipinagdiriwang. Halos tanggap na ng mga Pilipino na ito ang kaganapan ng Rebolusyong 1896 na sinimulan ng Katipunan. Kumbaga, ito na ang masasabing next best thing — ang kompromiso sa kawalan ng tunay na kasarinlan.

Pero sa panahong ito, mas lalong lumalabo ang kabuluhan ng pagdiriwang.

Kabalintunaang sa araw ng paggunita sa ating kalayaan, karamihan sa atin ay kinakailangang manatili sa ating mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng bagong salot na COVID-19 mula sa Tsina.

Mas malaking kabalintunaan na habang ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan, hinihintay na lamang na mapirmahan ng bagong maladiktador na pangulo ang isang panukalang batas na ayon sa mga tagapagsulong ng karapatang pantao ay lalabag sa ating mga kalayaan bilang Pilipino.

At pinakamalaking kabalintunaan na gunigunita ang Araw ng Kasarinlan sa ilalim ng isang administrasyong hanggang sa salita lamang kayang maggiit ng pantay na pakikipag-unayan sa Estados Unidos samantalang patuloy na bahag ang buntot at nagpapatirapa sa Tsina.

Image by titus_jr0 from Pixabay

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *