Nasa newsroom ako nang makita ng isang kasamahan ko ang balita tungkol sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI o Joseph Aloisius Ratzinger bilang pinuno ng Simbahang Katoliko. Gaya ng marami, nagulat ako at ‘di agad nakapaniwala.
Naging sunud-sunod na ang pagbabalita nito ng iba’t ibang major international news organizations. Maya-maya pa, nabasa ko sa website ng Vatican Radio ang buong pahayag ng Santo Papa.
Ang kanyang katandaan at humihinang pangangatawan ang nagtulak kay Pope Benedict XVI para magbitiw.
“After having repeatedly examined my conscience before God, I have come to the certainty that my strengths, due to an advanced age, are no longer suited to an adequate exercise of the Petrine ministry,” ani Pope Benedict sa kanyang pahayag.
Halos 600 taon na ang nakalilipas mula nang may nagbitiw na Santo Papa, ayon kay Dr. Donald Prudlo, Associate Professor of History sa Jacksonville State University sa Alabama, USA . Nagbitiw raw noon si Pope Gregory XII para tapusin ang matinding pagkakahati-hati sa Simbahang Katoliko.
Nagpahayag ng pagkagulat, kalungkutan at pagpapasalamat si Luis Antonio Cardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila, sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI. Ang Palasyo ng Malacanang naman, nakikiisa sa panalangin at simpatiya.
Matapos pumutok ang balita, kanya-kanyang reaksyon ang mga Pilipino sa Internet. Nangingibabaw siyempre ang pagkagulat. Mayroong kinabahan at naalala ang umano’y propesiya hinggil daw sa huling Santo Papa at katapusan ng daigdig. Mayroon ding ilang pakiramdam ay mga pantas at sadyang galit sa Simbahang Katoliko. Kung anu-ano ang sinabi tungkol sa Simbahan at sa Santo Papa. May iba pang inalala ang RH bill at ininsulto ang Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Para sa akin, bagama’t talagang nakakagulat, kahanga-hanga ang ginawa ng Santo Papa. Niyakap niya ang katotohanan at kinilala ang kanyang kahinaan. Mahirap para sa isang karaniwang tao ang kusang-loob na tumalikod sa kapangyarihan. Ngunit para kay Pope Benedict XVI, mas matimbang ang paglilingkod. At dahil ‘di niya kayang gampanan nang buong-buo ang kanyang tungkulin, minabuti niyang bumaba na lamang.
Ang nagpapakababa ay itataas. Naniniwala akong gaya ng kanyang mentor na si Pope John Paul II, magiging mataas din ang kalagayan ni Pope Benedict XVI sa kasaysayan ng Simbahan.
(Unang nalathala sa Pinoy Gazette noong Pebrero 24, 2013)
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
July 16, 2024
Greenpeace PH: no need for nuclear energy
Greenpeace comments on the PH-US nuclear pact and advocates for renewable…
June 9, 2023
Fair-gig at food pop-up para sa Martsa ng Magbubukid
Suporta sa mga magsasaka ang Bagsakan para sa Lupa, Hustisya, at Kapayapaan.
March 2, 2023
PETA Celebrates Pamela Anderson’s Animal Activism
“From the Philippines to her home country of Canada, Pamela Anderson has made…