Noong naglilipat ako ng mga gamit papunta sa bagong silid ko, inayos at nilinis ko ang koleksyon ko ng CDs at DVDs. Kabilang sa mga nakita kong CDs at VCDs ay yung may lamang materials tungkol sa First Quarter Storm na ipinahiram sa akin ni Prof. Monico Atienza.
Noong isang taon ay kinapanayam ko si Sir Nick sa pamamagitan ng email (tingnan ang Si Sir Monico Atienza at ang Kanyang mga Alaala ng First Quarter Storm) para sa isang story pitch na ginagawa ko sa opisina.
Natuwa ako noon dahil isiningit talaga niya sa pagitan ng kanyang mga klase ang pagsagot sa mga tanong ko. At kahit sikat na guro at maraming estudyanteng umiidolo, ayos pa ring makitungo si Sir Nick.
Hindi ko siya naging guro sa UP. Pero malapit na kaibigan siya ng idolo kong si Prof. Luis Teodoro. Pero naging propesor si Sir Monico ng ilan sa mga kasama ko sa Tinig.com at kasamahan din siya ng mga kaibigan kong aktibista. Malawak at makulay ang naging karanasan niya sa kilusang rebolusyunaryo.
Bukod sa kanyang paghahangad na mabago ang lipunang Pilipino, mahalaga rin ang kontribusyon ni Sir Nick sa pagsusulong ng wikang pambansa. Ang kanyang mga akda, gaya ng Kilusang Pambansa-Demokratiko sa Wika, at mga salin sa Filipino ng mga kilalang akdang dayuhan tulad ng Diyos ng Maliit na Bagay (God of Small Things) ay magsisilbing matibay na ambag sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.
Nang magkita kami sa paglulunsad ng bagong edisyon ng aklat na Philippine Society and Revolution noong isang taon ay ibinigay niya rin sa akin ang mga hinihiram kong FQS materials para maidagdag sa koleksiyon ng aming aklatan sa opisina. Iyon na ang huli naming pagkikita.
Nang siya’y magkasakit at ma-comatose, tumulong kami sa Tinig.com sa pagpapalaganap ng sulat panawagan ng suportang pinansiyal para sa kanya.
Hindi na ako nakadalaw sa kanya sa ospital, o maging sa kanyang tahanan. Malapit lang yata rito tirahan ko ang kanyang bahay, pero di rin ako nakadalaw.
Nang mabalitaan ko ang tuluyang paglisan ni Sir Nick halos kasabay ng pagpanaw ni Rene Villanueva–ang maylikha ng Batibot–agad kong ipinost sa UPAlumni.net ang balita (tingnan ang Profs. Monico Atienza, Rene Villanueva pass away).
Nakadalo ako sa huling parangal sa kanyang lamay sa UCCP bago siya i-cremate noong Sabado. Idinaan siya sa UP bago dinala sa Chinese cemetery.
Hindi magmamaliw ang alaala ni Sir Nick hindi lamang sa kanyang pamilya, mga estudyante, kasama at kaibigan, kundi pati rin sa mga naghahangad na lalong mapaunlad ang wikang Filipino.
Samantala, sa mga darating na araw ay ibabalik ko ang mga CD na hiniram ko sa kanya sa kanyang pamilya o mga kasama.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
Related Posts
June 10, 2018
Sa gitna ng sagutang Mike vs. Atom at Mocha vs. Kris: Bob Ong may panawagan
Hiling ni Bob Ong, ireport sa Facebook bilang fake page ang Bob Ong Quotes, na…
March 20, 2016
Subukan ang Filipino
Dahil sa tweet ni Teddy Boy Locsin tungkol sa Tagalog, naalala ko ang isang…
August 30, 2015
WIKApedia E-Booklet
Bago matapos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nais kong ibahagi sa inyo ang…



oK, gAlinG mO nAmaN..