Mga Kapatid,
Ang kapayapaan ni Jesus nawa’y suma-ating lahat, Siya na nagsabi: “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga’y tunay na mga alagad ko. Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:31-32).
Sa paggunita natin ng araw ng EDSA People Power Revolution ngayong Pebrero 25, kung saan nanaig ang kapayapaan sa pagbawi ng ating kalayaan, kami ay muling nananawagan sa inyo, anuman ang inyong kulay o katayuan sa lipunan.
Batid naming hindi malinaw ang maraming bagay, lalo na sa pulitika. Iba’t-iba ang ating pananaw. At nakalulungkot ang kasalukuyang pagkakahati ng bansa dahil sa pulitika. Gayon pa man, nawa ang kapakanan ng lahat (common good) ang higit nating isaalang-alang. Igalang natin ang isa’t-isa, huwag tayong padadala sa galit, iwasan ang panghuhusga. Masigasig nating hanapin ang katotohanan. Gawin ang tama, iwaksi ang mali at masama.
Marami sa atin ang nadidismaya sa salitang ‘pulitika.’ Inaanyayahan tayo ni Papa Francisco tungo sa bagong pagpapahalaga sa pulitika bilang isang ‘matayog na bokasyon’. Ito ay isa sa pinakamataas na anyo ng pag-ibig, sapagkat hangad nito ang kapakanan ng lahat’ (Fratelli Tutti, #180). Tatakbo ba ang mundo kung walang pulitika? tanong pa niya (cf. FT #176).
Hindi po namin ambisyon na agawin sa inyo ang mahalagang papel sa pagsasaayos ng lipunan, ni ang papel ng pamahalaan. Nandito kami upang magbigay ng moral at espiritwal na gabay, alinsunod sa aming misyon na magpahayag ng katotohanan mula sa pananampalataya.
Nakataya ang Katotohanan
Papalapit na ang Halalan, at nais naming ipaalala: ‘Karapatan at obligasyon ng bawat mamamayan ang malayang pagboto upang itaguyod ang kabutihan at kapakanan ng lahat’ (Gaudium et Spes, #75). Subalit, kami ay labis na nababahala sa mga hayagan at patagong pagbabaluktot, pagmamanipula, pagkukubli, pagsusupil at pag-aabuso ng katotohanan, tulad ng historical revisionism — pagbaluktot ng kasaysayan; paglipana ng fake news at false stories; ‘disinformation’ — ang pagpapakalat ng maling impormasyon o mga imbentong kuwento para impluwensyahan ang isip ng mga tao, pagtakpan ang katotohanan at manirang-puri. May mga troll farms na naghahasik ng virus ng kasinungalingan.
Suriin natin ang ating mga sarili. Marahil kasama rin tayo sa nagpapakalat ng virus ng kasinungalingan, na mabilis kumalat at pinamamanhid ang ating konsyensya; pinaparalisa ang kakayahang kilalanin ang Diyos at igalang ang kabutihan at katotohanan. Hindi natin namamalayan, mayroon ding ‘pandemya ng kasinungalingan’ lalo na sa panahong ito ng social media. Seryoso ang bagay na ito.
Sa sulat na ito ay wala kaming pinapanigan kundi ang katotohanan. Nais lamang naming magbigay ng babala tungkol sa tahasang pagbabaluktot ng kasaysayan tungkol sa Martial Law at EDSA People Power Revolution.
Noong 1986, ilan sa aming nakatatandang Obispo ay bahagi na ng CBCP. Nagpalabas kami ng Post-Election Statement (Pebrero 13, 1986) tungkol sa malawakang pandaraya sa eleksyon, sistematikong pag-agaw ng karapatan sa pagboto, talamak na pambibili ng mga boto, pamiminsala ng election returns, pananakot, terorismo at pagpatay. At ayon sa nasabing Statement: ‘ang isang gobyerno na pandaraya ang paraan ng pagkuha ng o pananatili sa kapangyarihan ay walang basehang moral.’ Kaya hinimok namin kayo na magsuri, magdesisyon at kumilos (see, judge & act). Nilinaw din namin na ang pagkilos na nararapat ay hindi isang paraang marahas, kundi mapayapa. Ganoon na nga ang nangyari. Ang taong bayan — ang NAMFREL, ang Comelec Computer Technicians, ang mga Poll Officials — mga registrars, teachers at government workers, milyon-milyong mga ordinaryong botante kasama ng mga pari at madre, ang Radyo Veritas at iba pang mga media ay mapayapang kumilos. Hindi na nila nasikmura ang tahasang panlilinlang at pandaraya. Sinunod ng mga tao — kasama na ang officials sa Batasan, ang military, mga Comelec Officials — ang kanilang konsyensya, At ang mga pangyayari ay humantong sa EDSA. (cf. CBCP Post-Election Statement, 1986)
Hindi namin imbento ang makasaysayang pangyayari sa EDSA, na isang bunga ng pakikipagkapatiran at pananampalataya. Naging bahagi lang kami nito, kasama kayo. Nasaksihan ninyo ito at ng buong mundo, at kinilala sa daigdig bilang “People Power.” Ang mapayapang rebolusyon ay hindi gawa ng isang tao, partido o kulay. Ito ay tagumpay ng Sambayanang Pilipino.
Marami sa aming mga Obispo ang nakasaksi sa kalupitan at karahasan ng Martial Law. At hanggang ngayon ay dokumentado ang mga paglabag sa karapatan, ang mga biktima, ang korapsyon, ang napakalaking utang ng bayan na nagpalubog ng ekonomiya, bunga ng pamahalaang diktador. Muli, hindi namin ito inimbento. Ito’y nakatala sa ating kasaysayan.
Nakababahala lamang ang pagbabaluktot ng kasaysayan at tila pagbura ng ating alaala sa pamamagitan ng paghahasik ng mga maling kuwento at kasinungalingan. Mapanganib ito sapagkat ito’y paglason sa ating kamalayan at pagwasak ng mga pundasyong moral ng ating mga institusyon.
Ang magwalang-bahala sa katotohanan ay makapipinsala sa atin, sapagkat ang pundasyon ng mabuting lipunan at responsableng pamamahala ay ang katotohanan. Papayagan ba natin na kasinungalingan ang ituturo sa ating mga kabataan at sa paaralan; na kasinungalingan ang magiging batayan ng mga batas o pagpapatupad nito? Ano ang mangyayari sa isang pamilya o lipunan na hindi nakabatay sa katotohanan?
Mga kapatid, manindigan tayo sa katotohanan. Tandaan po natin, ang kabutihang hiwalay sa katotohanan ay pagbabalatkayo. Ang paglilingkod na hindi ayon sa katotohanan ay maaaring panggagamit lamang. Walang hustisya kung walang katotohanan. Maging ang pag-ibig, kung hindi nakabatay sa katotohanan, ay sentimyento lamang. Ang isang eleksyon o anumang proseso na hindi makatotohanan ay panlilinlang at hindi mapagkakatiwalaan.
Magkakambal ang katotohanan at kalayaan (cf. Juan 8:32). Kapag pinaglalaruan ang katotohanan, pinaglalaruan din ang ating kalayaan. Ang pagbalewala ng katotohanan ay pagbalewala din ng tungkuling managot (accountability). Masusugpo ba natin ang korapsyon kung walang katotohanan? Kailangan handa rin tayong harapin ang katotohanan patungkol sa ating mga sarili (cf. 1 Juan 1:8).
Ang Pulitika ng Katotohanan, Kabutihan, Katarungan at Kapayapaan
Kaya po, at dahil rin sa darating na eleksyon, nananawagan kami sa inyo, mga kapatid — lalo na sa ating mga kabataan — na suriing mabuti ang mga nangyayari patungkol sa pagtataguyod natin ng makatotohanan at makatarungang lipunan. Mag-usap-usap at mag-aninaw kayo. Pakinggan ang inyong konsyensya. Kayo rin ang magdesisyon. Nagtitiwala kami sa inyong kakayahang makita ang katotohanan, ang tama at mabuti. Pareho naman ang ating inaasam –ang kapakanan ng lahat. At ayon sa liwanag ng Ebanghelyo ni Jesus, tahakin natin ang daan ng katotohanan, kabutihan, katarungan at kapayapaan, — hindi ng dahas, paghihiganti o kasamaan.
Mga kapatid, huwag sana tayong sumuko sa paghahanap at pagtatanggol ng katotohanan, sa pamamagitan ng rason at pananampalataya, sa sama-samang pagninilay,pag-uusap, pagdarasal at pagkilos. Manalig tayo at matiyaga nating ‘daigin ng mabuti ang masama’ (Roma 12:21). Nawa ang katotohanan ang magbuklod sa ating lahat.
Matagpuan sana natin ang Katotohanan, na walang iba kundi si Jesus — na siya ring Daan at Buhay (cf. Juan 14:6). At ‘kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?’ (Roma 8:31).
Hilingin natin ang mga panalangin at pagsanggalang ng ating Mahal na Ina, Reyna ng Kapayapaan. Nawa’y basbasan ng Poong Maykapal ang ating pagsusumikap na manaig ang katotohanan at kabutihan, sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.
Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas,
PABLO VIRGILIO S. DAVID, D.D.
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng CBCP
Ika-25 ng Pebrero 2022
From CBCPNEWS | Download the CBCP Pastoral Letter in English | Download the CBCP Pastoral Letter in Filipino | Download the CBCP Pastoral Letter in Cebuano
ederic.net
Formerly known as ederic@cyberspace, ederic.net is the blog of Filipino communications worker Ederic Eder. The blog features his writings, as well as contributed materials such as press releases and guest posts.
Related Posts
July 16, 2024
Greenpeace PH: no need for nuclear energy
Greenpeace comments on the PH-US nuclear pact and advocates for renewable…
June 9, 2023
Fair-gig at food pop-up para sa Martsa ng Magbubukid
Suporta sa mga magsasaka ang Bagsakan para sa Lupa, Hustisya, at Kapayapaan.
March 2, 2023
PETA Celebrates Pamela Anderson’s Animal Activism
“From the Philippines to her home country of Canada, Pamela Anderson has made…