Kung Bakit Dapat Magbitiw si Arroyo

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Gaya ng marami, masaya ako nang manumpa na si Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong Pangulo noong 2001. Ipinangako niyang pangungunahan ang laban sa kahirapan, iaangat ang batayang moral sa pamumuno, isusulong ang bagong pulitika, at magiging halimbawa ng isang mabuting pinuno.

Hindi maitatangging may pagtatangka ang pamahalaang Arroyo na totohanin ang pagsugpo sa kahirapan. May mga konkretong programa ito na siguro kung maipagpapatuloy ay makakatulong, bagamat hindi tuluyang makalulutas sa problema ng kahirapan.

Nagbigay rin ng maraming trabaho ang administrasyong Arroyo. Nakita ninyo ‘yung maraming nagwawalis sa kalsada ng Kamaynilaan noong panahon ng kampanya? Programang pangtrabaho ng Pangulo iyon. Ewan lang natin kung asan na ang mga magwawalis isang taon pagkatapos ng eleksiyon.

Oo’t may pagtatangka sa kanyang unang pangako, bumagsak si Gng. Arroyo sa tatlo pa niyang inilatag na balak. Ito sigurado ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga aktibista na nagtaksil siya sa kanyang mga salitang binitawan noong People Power 2.

Sabi niya, iaangat niya ang moral standards ng pamumuno. Pero ngayon, mismong ang kawalan ng moral ascendancy ang dahilan kaya’t nais siyang pababain sa puwesto ng marami sa atin. Ang kawalan niya ng palabra de honor ay malinaw na naipakita nang hindi niya tuparin ang sinabi niyang di siya na tatakbo noong 2004 upang hindi na raw siya maging dahilan ng pagkakawatak-watak ng ating bayan. Hindi rin natupad ang pangakong ito nang lantaran niyang gamitin ang government resources para sa kanyang kampanya bago ang halalan noong Mayo 2004.

Sabi niya, itataguyod niya ang bagong pulitika. Pero kabaligtaran ang nangyari. Nangibabaw pa rin ang tradisyunal na pulitika at ang mga trapong kaalyado niya. Inilagay niya sa puwesto ang mga kaibigan ng kanyang asawa at ang mga pinagkautangan ng loob sa EDSA 2 at sa kampanya noong 2004.

Sabi pa ni Gloria, siya’y magiging halimbawa ng isang mabuting pinuno. Ngayon, binabato siya ng mga batikos dahil sa kontrobersiyal na Hello Garci tapes. Kamakailan, inamin niyang nakipag-usap nga siya sa isang opisyal ng Commission on Elections noong panahon ng bilangan. Dahil sa pahayag na iyan, nasiguro nating sa kanya nga ang boses ng babae na tinatawag na Ma’am ng lalaking kung tawagin ay Garci. Ayon sa kanya, “lapse of judgment” ang ginawa niya at pinagsisisihan niya ito. Pero hindi raw totoong nandaya siya.

Kapag pinakinggan mo ang tapes at binasa mo ang transcript, malalaman mo ang sinabi ni Garci na “pagpapataas sa inyo” ay hindi nangangahulugan, ayon nga sa kolumnistang si Conrado de Quiros, ng pagpapatangkad sa kay Gloria.

At kapag narinig mo ang isang Pangulo na akusado ng pandaraya sa eleksyon na bumubulong sa isang opisyal ng Comelec ng “yung dagdag, yung dagdag,” malalaman mong di siya nagsasabi ng totoo nang itanggi niya ang pandaraya sa halalan. Sa ganyang kalagayan, hindi masasabing siya’y nagiging halimbawa ng isang mabuting pinuno.

Napako ang apat niyang pangako matapos ang People Power 2. Nagsinungaling siya sa atin nang sabihin niyang hindi na siya tatakbo noong 2004, at binigyan tayo ng half-truths nang mag-sorry siya sa kanyang umano’y “lapse of judgment.”

Usapin pa lamang ito ng mga pangako niya sa EDSA. Ibang isyu pa kapag sinuri naman ang kanyang mga programa at patakaran sa pamumuno.

Sa tingin ko, isang lapse of judgment kapag pumayag tayong manatili pa sa puwesto bilang Pangulo si Gloria Macapagal-Arroyo.

0 Replies to “Kung Bakit Dapat Magbitiw si Arroyo”

  1. at isang basis nga ng impeachment complaint ay ang paggamit niya ng gov’t funds nung nakaraang halalan.

    tapos paano mo reresputihin ang isang lider na nangakong di tatakbo sa halalan (noong dec 30 2002 sa araw ng kabayanihan ni Rizal) tapos babawiin din pala ito.

  2. may nagtanong sa kin, bakit daw gusto kong bumaba si gloria. ang sabi ko sa kanya, madaming dahilan. hindi lang ang hello garci tape. napakadami pa. isa ang skwelahan ko sa mga nakakaranas ng paghihirap dahil sa budget cut sa edukasyon. dagdag na bayarin na hindi alam kung san napupunta. kulang na lang ibenta sa pribadong kompanya. lapse of judgement din siguro kaya mas binigyang halaga ang pambayad utang at militar. sa mga manggagawa na humihingi ng 125php dagdag sa sahod. kung mabibigay ito 375php na ang minimum wage, peo ang daily cost of living, 500+ nuong 2002, 606 na yata ngayon. halos doble ng sinisweldo. pano namn sila mabubuhay ng maayos non. pasensya sa mahabang komento. nakakainis lang isipin na marmi na ang humihiling ng pagbaba nya pero makapal pa rin ang mukha nya.

  3. Ano pa ba ang i-expect natin sa mga pulitiko natin. Pare-pareho halos sila.

    Lahat sila aral kay makoy, kita mo ang mga sistema nila. At saka mas gusto naman nila na malubog ng husto ang bayan natin para tuloy ang ligaya nila.

    Ang aking wish lang, sana magbago na ang pag-iisip ng karamihan sa ating mga Filipino at wakasan na ang mga kalokohan ng mga taong ganito.

    Buti na lang di ginaya ni gloria si mirriam “i’m sorry i lied… hahahaha.”

  4. naniniwala naman ako kay pgma……………noon…….pero ngayon sa mga nangyayari sa kanya,, mahirap ng maniwala at iasa pa sa kanya ang kaunlaran sana ng ating bansa…….sana naman PEACE WILL REIGN. hindi ko na alam kung ano ang totoo……

Leave a Reply