Gusto ko sanang manood ng press launch ng Zaido kanina. Kaya lang, nung tumambay na ako sa labas ng studio pagkatapos ng trabaho, medyo nailang ako dahil ayokong magmukhang engot na nakatunganga roon. Kaya sa halip na manatili para maghintay na dumating ang mga naka-costume na artista, umuwi na lamang ako.

Pero bakit big deal at kailangan pang i-blog?

Unawaing isa akong Shaider fan na noong bata pa’y nakikipangapit-bahay para lamang mapanood ang pakikipaglaban ni Shaider at masilip ang panty ni Annie. Nalungkot ako nang mabalitaan ang pagpanaw ni Hiroshi Tsuburaya, ang gumanap na Shaider, at nang malamang ngayo’y di lang panty ang ipinapakita ni Noemi Morinaga, ang gumanap na Annie.

Larawan mula sa http://users.skynet.be/x-or/shaider_18_mini.jpgNagtayo ako ng e-group tungkol kay Shaider, nagpatulong sa girlfriend ko sa pangungulit sa GMA-7 na muling ipalabas ang paborito nating Asian superhero, at masayang nagbalita tungkol sa pagbabalik ni Shaider.

Earlier this year, kumalat na rin ang balitang gagawa ang GMA-7 ng remake ng Shaider at si Marky Cielo ang napiling gumanap. Marami ang natuwa at na-excite. Marami rin ang naasar–ika nila’y baka masira ang alaala ni Shaider dahil baka ibahin ang istorya nito tulad ng ginawa sa Captain Barbell na na nawala ang sariling kuwento at naging kopya na lamang ng Smallville. Samantala, naghintay lamang ako.

Kinalaunan, hindi natuloy ang remake dahil sa problema sa may-ari ng copyright ng Shaider. Hindi raw ipinagamit sa GMA-7 ang original na pamagat pero mananatili pa rin ang original na kuwento at mga kamag-anak na lang ni Shaider ang magiging mga pangunahing tauhan. Kaya nga ang kinalabasan, gagawa na lamang ang GMA-7 ng bagong kuwentong base sa orihinal.

At nabuo na nga ang Zaido. Sa una, natawa ako. Ang pamagat kasi’u parang pekeng Shaider, tulad ng pekeng walkman sa Quiapo–Sunny sa halip na Sony, o Pensonic sa halip na Panasonic.

Pero dahil Shaider fan, natuwa pa rin ako.

Ayon sa iGMA.tv, ang Zaido: Pulis Pangkalawakan ang papalit sa Impostora. Sa halip na solo star si Marky Cielo bilang Zaido, tatlo na ang magiging mga bagong pulis pangkalawakan. Mas pinalakas ang Zaido ng pagpasok ng mahusay na si Dennis Trillo at StarStruck 4 Ultimate Hunk Aljur Abrenica. Magpipinsan ang tatlong bida–mga apo raw sila ni Shaider. Si Kris Bernal naman ang gaganap sa karakter na parang si Annie.

Ayon pa sa ulat ng Philippine Entertainment Portal, Kasama rin sa palabas ang asteeg na si Diana Zubiri at sina Lovi Poe, Lorna Tolentino, Raymart Santiago, Tirso Cruz III, Ian de Leon, Karel Marquez, Robert Villar.

Si Jay Manalo ang pangunahing kontrabida at si Paolo Ballesteros na ang gaganap sa papel ni Ida samantalang sina LJ Reyes, Iwa Moto, Vanness del Moral, Arci Muñoz, at Melissa Avelino naman ang mga amasona.

At dahil nga hindi ako nakakuha ng mga larawan ng mga tauhan, ang nasa post na ito na lang ay ang mga kuha ko sa standees na lang sa labas ng studio. Siyempre, nahiya pa ako sa pagkuha ng mga iyan.

May mga larawan din ng Zaido pictorial si Lovi sa Multiply account niya.

Sana, panoorin ninyo ang Zaido. Napakagandang palabas po. Pinaghirapan namin–este ng mga gumawa nito–ang Zaido. Suportahan po natin ang telebisyon at pelikulang Pilipino!

Sana mainvite na lang ang bloggers na fan din tulad sa mga press launch ng mga ganitong palabas, di ba?


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center