Binyag ng isang pamangkin ko noong nakalipas na Linggo sa Pagsanjan, Laguna kaya pumunta ako roon kasama ang pinsan kong si Dominic. Para makaiwas sa paggising nang napakaaga para sa 9 a.m. na binyagan, Sabado pa lamang ay bumiyahe na kami papuntang Pagsanjan.
Kahit nakadayo na kami ni Myla roon noong ikasal sina Ernel at Rachel, ang mga magulang ng bata, nakalimutan ko na kung paano kami nakarating doon. Sa tulong ng Google Search at Google Maps, nalaman kong mula rito sa Diliman, Quezon City ay sa HM Transport Bus Terminal sa Cubao pala puwedeng sumakay. Nasa kanto ito ng EDSA at Monte de Piedad St., sa likod ng Mang Inasal na malapit sa Solid North Bus Terminal.
Biyaheng Santa Cruz ang bus na dapat sakyan, at mula sa bababaang terminal ay mga dumaraang jeep na papuntang Pagsanjan. Pasado alas tres na nang makaalis kami sa Cubao. Hindi kami naghintay nang matagal dahil mabilis mapuno ang mga bus. Pero ang inaasahang dalawa hanggang tatlong oras na biyahe, umabot nang halos limang oras. Natrapik kami sa ilang bahagi ng Kamaynilaan at sa may Calamba.
May 15 minuto naman ang biyahe namin mula sa terminal sa Santa Cruz papuntang Pagsanjan. Bandang alas otso na nang bumaba kami sa tapat ng simbahan ng Our Lady of Guadalupe Parish.
Bago namin hanapin ang tutuluyan namin, bumili muna kami ni Dominic ng bibingka at puto bumbong sa mga nagtitinda ng kakanin sa may simbahan. Nasa tapat ng simbahan ang tourism office ng bayan, at kung nakaharap ka sa tanggapang ito, nasa bandang kaliwa naman ang munisipyo.
Nasa may 200 metro naman sa kanan ng simbahan, sa General Taino Street, ang Casa Marina na tinuluyan namin doon. Isa itong lumang bahay na ginawang bed and breakfast.
Malinis at maaliwalas ang mga kuwarto at comfort room ng Casa Marina. May saksakan ng charger sa may kama. Malamig ang aircon, pero puwede namang magtalukbong.
Mayroon ding telebisyon, aparador, at sinaunang baul sa kuwarto.
Sa sala ng Casa Marina, may lugar para tumambay, magkuwentuhan, o magbasa. Bukod sa mga libro, may mga naka-display ring mga lumang kamera, Walkman, mikropono, at iba pa. Puwede rin daw magpatugtog ng sariling plaka kung may dala ka.
Nakaka-relax dahil mahangin at may view ng ilog sa may dining area ng Casa Marina. Ganito ang ang hitsura nito ‘pag araw:
Kinabukasan ay nakapag-almusal kami ni Dominic riyan. Dahil maagang dumating mula sa Maynila, nakasunod pa ang isa pa naming pinsan na si Karim para saluhan kami.
Matapos makapagpahinga noong Sabadong gabi, kahit medyo busog pa sa bibingka’t puto bumbong ay naghanap kami ni Dominic ng makakainan. Tiningnan ko online ang mga kainan na pinakamaayos ang reviews. Sa top restaurants, ang bukas na lamang ay ang Calle Arco.
Para makarating sa Calle Arco, naglakad kami pabalik sa may simbahan at munisipyo at saka kumaliwa sa Rizal Street.
Isa rin palang lumang bahay na ginawang restaurant ang Calle Arco. Pagpasok sa restaurant, makikita ang vintage ambience.
Okay ang pagkain at malaki ang servings sa Calle Arco. Kabilang sa mga inorder namin ang Sizzling Tofu Steak at ang ipinagmamalaki nilang panghimagas na Camote de Leche. Itong huli ay gawa sa kamote na parang may leche flan. Sayang nga lang at medyo busog na kami kaya di namin naubos lahat ng inorder namin.
Para mabawas-bawasan ang kabusugan, naglakad na lang kami ulit pabalik sa Casa Marina pagkatapos maghapunan.
Kinabukasan, pagkatapos mag-almusal ay pumunta na kami sa Our Lady of Guadalupe Parish para sa binyag ng pamangkin naming si Eryx Dashiel. Saktong bago ang Pasko, nagkita-kita ang mga kabilang sa angkang Peñaflor!
Sa susunod na pagpunta namin sa Pagsanjan, baka sakaling mabisita na namin ang Pagsanjan Falls.

Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
January 13, 2025
Cebu, Manila among pet-friendly destinations in Asia
These Philippine cities are in Agoda's top 10.
October 10, 2024
Agoda, Tourism Promotions Board promote Philippines
The partnership showcases the Philippines as a must-visit destination.
May 30, 2024
Catch the magic of World of Frozen on Disney+
Two World of Frozen titles coming on June 7.