Head researcher ang unang trabaho ko sa GMA Network. Para ito sa mga programang “Bio-Data,” “Paninindigan,” at “Wanted: President” noong 2004. Sa “Bio-Data,” kinilala at kinilatis ang mga tumatakbong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa. Sa Paninindigan, inalam ang kanilang posisyon sa iba’t ibang isyu. Sa “Wanted: President” naman, tinalakay ang mga tungkulin, pananagutan, at pribelihiyong kaakibat ng pagiging Pangulo ng Pilipinas.

Memorable para sa akin ang mga panahong iyon. Sinaliksik at binalikan namin ang mga naisulat na tungkol sa mga kandidato. In-stalk namin sila. Na-interview ko si FPJ at si Luli Arroyo. Na-meet namin si Ka Roger at ilang pulang mandirigma. Nakabisita kami sa Malacañang at napasok ang ilang silid doon sa tulong ni Manolo Quezon.

Ngayong taon, ibininabalik ng GMA News and Public Affairs ang “Wanted: President.” This time, isa itong serye ng one-on-one interviews sa mga nangungunang kandidato sa pagkapangulo.

Sa bawat episode na eere tuwing Linggo simula bukas, Enero 24, bubusisiin ang isa sa mga naghahangad na maupo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Sa loob nang isang oras, sasagutin nila ang mga tanong na ibabato ng GMA News pillars na sina Mike Enriquez and Mel Tiangco.

Tatalakayin sa bawat “job interview” ang iba’t ibang paksa kabilang ang katauhan ng kandidato, ang kaniyang stand sa iba’t ibang usapin, ang mga kontrobersiyang kaniyang kinakaharap, at ang mga konkretong balak niya para sa kinabukasan ng bansa.

Panoorin natin ang “Wanted: President” simula bukas, 9:30 p.m. sa GMA Network Channel 7.