Sa gitna ng pamamayagpag ng streaming services, may namumuong kaabang-abang na pagbabago sa free television sa Pilipinas — ang darating na pagtatapatan ng “Eat Bulaga” ng TAPE Inc., “It’s Showtime” ng ABS-CBN, at ang bagong programa ng orihinal na Dabarkads sa TV5.

Noong May 31, nag-resign sa TAPE, producer ng “Eat Bulaga,” ang lahat ng hosts ng longest-running noontime variety show sa Pilipinas. Sa gitna ito ng di-pagkakasunduan ng pamunuan ng TAPE o Television and Production Exponents, Inc. sa isang panig at nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon (TVJ) sa kabilang kampo. Sumama sa TVJ ang Dabarkads, o ang mga dating hosts ng “Eat Bulaga.”

Hunyo 5 naman nang ipakilala ng “Eat Bulaga” ang mga bago nitong hosts. Karamihan sa kanila, mga artista ng Sparkle, dating GMA Artist Center. Ayon sa GMA Network, mag-i-stay sa kanila ang “Eat Bulaga” dahil may blocktime agreement ang GMA Network at ang TAPE hanggang sa katapusan ng 2024.

Kanina, naglabas naman ng pahayag ang ABS-CBN na di na mapapanood sa TV5 ang “It’s Showtime” simula sa July 1. Lilipat ang “Showtime” sa GTV, dating GMA News TV. Tinanggihan daw ng ABS-CBN ang alok ng TV5 na 4:30 p.m. na timeslot. Siyempre, mapapanood pa rin sina Anne Curtis sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.

Kasunod nito, nagdaos ng press conference kanina ang TVJ. Kasama nila si Manny V. Pangilinan at iba pang officials ng PLDT Group. Ini-announce nila na eere na sa TV5 simula sa July 1 ang bagong programa ng TVJ.

‘Eat Bulaga’ vs. ‘It’s Showtime’ vs. Dabarkads

Dahil sa magkakasunod na pagbabagong ito, tiyak na ang bakbakan ng tatlong noontime show sa katanghalian sa Pilipinas. Alin kaya ang panonoorin ng mga tao? Ang “Eat Bulaga” sa pangalan lamang, ang “It’s Showtime,” o ang bagong show ng Dabarkads na dating hosts ng “Eat Bulaga”?

Sa mga pangyayaring ito, wagi ang GMA Network. Anuman ang mangyari sa “Eat Bulaga,” nasa bakuran na rin nila ang “Showtime.” Meanwhile, dahil nasa kanila na ang Dabarkads, baka ito na ang chance ng TV5 na mas umalagwa sa ratings game.

Ang tanong ng marami, ano ang magiging title ng bagong show ng Dabarkads? Surprise na lang daw, sabi ng TVJ at TV5. Si Joey de Leon, paulit-ulit na sinabing “Eat Bulaga” pa rin.

Maaari ngang mabawi at magamit pa ng Dabarkads ang pangalang “Eat Bulaga.” Base sa datos sa website ng World Intellectual Property Organization, napaso na ang registration ng TAPE sa trademarks ng “Eat Bulaga.” Pending naman ang registration nina Antonio Tuviera at ng TVJ sa trademark na “Eat Bulaga.” Ang registration ni Joey de Leon sa parehong trademark, pending din. Wala akong nahanap na pending registration ng TAPE, at ang kina Tuviera at de Leon, parehong kasama ang “television entertainment” sa classification.

Abangan natin ang mga susunod na kabanata sa kapana-panabik na mga tunggaliang ito!