Nakatanggap ako kanina ng email mula sa Social Security System (SSS). Nagpapaalala ito laban sa mga fixer at mga manloloko sa internet. Kung miyembro ka ng SSS at ayaw mong mabiktima ng mga scammer, ituloy mo ang pagbabasa. Medyo inedit ko lang nang kaunti ang laman ng email.

Huwag maging biktima ng fixers

Mag-ingat sa mga fixers na nag-aalok ng serbisyo ng SSS kapalit ng transaction fee. Mahigpit na ipinagbabawal ang fixing sa ilalim ng Social Security Act of 2018 at Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Walang pananagutan ang SSS sa anumang transaksiyon ng miyembro kasabwat ang fixer. Hindi sagutin ng SSS ang loan applications o benefit claims na mapatunayang idinaan sa fixer.

Suriing mabuti ang pagkakakilanlan ng taong nakipag-ugnayan sa inyo sa social media, telepono, text, o email.

Mag-ingat sa mga emails na diumano ay mula sa SSS na nanghihingi ng inyong personal information katulad ng inyong SS Number, user ID, passwordm at disbursement account. Huwag ipaalam at panatilihing confidential ang mga impormasyong ito.

Paano malalaman kung fake ang email

  • Mula sa ibang email domain ang message. Laging tingnan kung kanino o saan galing ang email. Tingnan ang domain ng email address ng mensaheng natanggap. Ang domain ng official email address ng SSS ay @sss.gov.ph.
  • Kadalasang may mali sa grammar at spelling ang email message. Basahin at suriing mabuti ang pagkakasulat ng mensahe ng email.
  • May naka-attach sa message na dokumento, file, o link na kahina-hinala at hindi angkop sa email. Huwag buksan ang nakalakip na dokumento kung di ka sigurado na galing ito sa lehitimong source. Huwag ding i-click ang mga kaduda-dudang links na nasa email.
  • Kadalasan, nagbabanta ang email o nanghihingi ng agarang atensiyon.

Mga dapat tandaan

Palaging i-check kung totoo impormasyong nabasa sa internet.

Ang SSS emails ay ipinapadala gamit ang official email domain na @sss.gov.ph. Palaging i-check ang email sender para maprotektahan ang iyong personal information.

Mag-ingat din sa text messages, social media messages, o phone calls na diumano ay mula sa SSS at nanghihingi ng inyong personal information.

Ang official Facebook page ng SSS ay Philippine Social Security System – SSS (https://www.facebook.com/SSSPh).

Ang official Twitter page nito ay Social Security System @PHLSSS (https://twitter.com/phlsss).

Parehong may blue verification badge ang dalawang accounts na nagkukumpirma ng pagiging tunay ng mga ito.

Makipag-ugnayan lamang sa mga sumusunod na official online SSS channels:

Puwede ring magtungo sa E-Center ng alinmang sangay ng SSS kung saan may member Service representative na handang tumulong sa mga miyembro sa paggamit ng online services.
Kung nakatanggap ka ng kahina-hinalang email, text message, social media message, o tawag na nanghihingi ng inyong personal information, ireport agad ito sa alinmang sangay ng SSS o i-email ang SSS Special Investigation Department sa fid@sss.gov.ph o tumawag sa kanilang telephone number: (02) 89247370.