Nagkakagulo rito sa Pilipinas dahil sa pagdating ng isang “American Idol.” Bumisita pa nga siya sa Palasyo ng Pangulo ng Republika

Eh ano kamo kung magkagulo? Normal naman sa mga Pinoy na pagkaguluhan ang mga sikat na foreigner, lalo na kung Amerikano? Pero ibang sitwasyon ito. Ito kasing dumating na “American Idol,” eh Pilipino raw!

So, iisipin natin: Ala eh asteeg pala talaga tayo? Isipin mo’y maging “American Idol” ang isang Pilipino! World class na lahi talaga tayo!

Opps, teka lang. Bago bumula ang bibig natin sa tuwa at pagmamalaki, ang tinutukoy ko po ay si Jasmine Trias. Finalist siya sa pa-kontest sa telebisyon sa “American Idol.” Ipinanganak at nakatira siya sa Hawaii, isang estado ng United States of America. Ang mga magulang niya ay dating taga-Cavite na sa Hawaii na nanirahan.

Kuwento ng isang kaibigan ko, noong mga unang bahagi raw ng “American Idol,” ipinakikilala siya bilang Filipino-American. Sa bandang huli, tinutukoy na lang siya bilang isang Hawaiian.

Pero noong napasama na siya sa finalists, tayong mga Pinoy ay ‘di na magkamayaw sa pag-angkin sa kanya, gaya ng pag-angkin natin sa sinumang taga-ibang bansa na may mga magulang o lolo at lolang Pilipino.

Ipinaalala ni Oriah Satria ng “Piercing Pens” ang kaso ni Natalie Coughlin na nanalo ng medalyang ginto sa Athens Olympics. Pilipina raw ang kanyang lola. Dahil dito, naging usap-usapan ang posibleng pagkuha sa kanya upang lumaro para sa Pilipinas sa 2006 Asian Games.

Sa kaso naman ni Jasmine, ayon pa kay Oriah, napuno ang mga pahayagan ng mga ganitong headlines: “Jasmine Trias comes ‘home,” “Homecoming for American Idol finalist.” Sa kabila ito ng katotohanang nang sa kanyang pagdating ay tanungin si Jasmine kung nanaisin ba niyang dito na manirahan sa Pilipinas na umano’y kanyang “home” (tahanan), ang kanyang sagot ay ganito: “I don’t think it’s possible at the moment. Besides, Hawaii is home for me.”

Aray! Tablado tayo!

Sa gitna ng media blitz sa pagdating ni Jasmine, masyado na yata tayong nalunod at nalimutang pag-isipan kung talagang Pilipino nga ba ang dalagitang ito na umano’y mahilig sa sinigang na hipon at adobo. Awtomatikong Pilipino ka na ba kung ikaw ay may ninunong Pinoy at kumakain ng adobo o marunong kumakanta ng “Ako ay Pilipino”?

Ang pagka-Pilipino, ayon kay Oriah, ay higit isa pagkakaroon ng ninuno o dugong Pilipino at higit sa pagkain ng Adobo. Sang-ayon si Alex Remollino ng “Our Thoughts Are Free” : “Isang nagsusumigaw na kaistupiduhan ang ikupot ang konsepto ng pagka-Pilipino sa sala’t kusina.”

Sa kaso ni Jasmine, na nagsabing “My Tagalog is a bit rusty, but it’s ok. I still have the Filipino pride in me,” bagamat hindi natin dapat ipagdamot sa kanya ang kanyang kaugnayan sa ating lahi, huwag sana tayong OA. Kalabisan na ang todo-todong pag-angkin sa isang Hawaiian bilang “100% na Pinoy”.

First publsihed in Pinoy Gazette. Jasmine Trias’ Bench photo from dryedmangoez.com


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center