(Isinubmit ko sa Pinoy Gazette ang article na ito noong Hulyo 14. Noo’y di pa pumapayag ang gobyerno na i-pull out ang tropang Pilipino sa Iraq.)

Paggising ko noong Hulyo 8, isang text message mula sa kaibigan kong si Maita Santiago ng Migrante International ang aking nabasa: “1 ofw nabihag n s iraq.t0todasn in 72hr unles fil trups out.kasalanan ito ni gl0ria.pinagpapalit nya buhay ng ofws 4 bush.pull out tr0ops n0w!”

Sa trabaho nang buong araw na iyon, ang pagkakabihag ng mga rebeldeng Iraqi kay Angelo de la Cruz, isang drayber ng truck sa Saudi, ang pinakamalaking balitang aming pinaglaanan ng panahon. Pupugutan daw siya ng ulo kapag hindi pinauwi ng Pilipinas ang peacekeeping troops nito na nasa Iraq.

Kinabukasan, nasa telebisyon na nag mga kamag-anak ng bihag. Nanawagan sila sa gobyerno ng Pilipinas na iligtas ang kanilang mahal sa buhay na minalas na pumunta sa Iraq dahil sa kanyang trabaho. Mismong si de la Cruz, sa isang panawagang naka-record sa videotape na ipinadala sa isang television network sa Middle East, ang humiling na pauwiin na ang mga sundalong Pilipino upang mailigtas ang kanyang buhay at mailayo sa kapahamakan ang iba pang mga manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan.

Ngunit naging bulag, pipi, at bingi ang pamahalaan ng Pilipinas sa panawagan ni de la Cruz. Bakit nga naman pauuwiin ang mga tropang Pinoy? Magdudulot ito ng kahihiyan sa international community at maaaring ikasama ng loob ng Estados Unidos. Ngayon pa namang muling mahigpit ang ating ugnayan sa bansang pinagsasanlaan ng ating kalayaan. Hindi maaari. Sayang naman ang tulong militar na ibinibigay sa atin ng US.

Kaya naman tumanggi ang Pilipinas. Tutupdin nito ang pangakong isang taong pananatili sa Iraq ng mga sundalo nitong tumutulong sa muling pagsasaayos sa bayang dinurog ng digmaang pinangunahan ng US at masugid nitong sinuportahan. Sa halip, pakikipagnegosasyon sa tulong ng ibang mga bansa ang ang daang tatahakin ng pamahalaan tungo sa pagsisikap na mapalaya si de la Cruz. (Kakaiba, ngunit para sa lider ng ating bansa, balewala ang mga pangako sa kanyang mga kababayan pero sagrado ang pangako sa mga dayuhan.)

Habang sinusulat ito, hindi pa tiyak ang magiging kapalaran ni de la Cruz. Ayon sa mga balita ay napahaba ang taning na ibinigay sa Pilipinas. Pero nagmamatigas pa rin ang pamahalaan sa desisyong panatilihin ang tropa nito sa Iraq hanggang Agosto 20, at hindi Hulyo 20, gaya ng bagong hiling ng mga bumihag kay de la Cruz.

Samantala sa loob at labas ng bansa, lumalakas naman ang panawagang pabalikin na ang mga tropang Pinoy. Araw-araw ay nagtitipun-tipon upang magprotesta ang mga aktibista sa Maynila?kahit araw-araw rin silang binubuwag ng mga pulis. Maging ang Simbahang Katoliko ay kaisa na rin sa panawagang ito.

Bago pa man mabihag si de la Cruz, ang mga makabayan at tagapagtaguyod ng kapayapaan ay nanawagan na ng pagpapauwi sa mga sundalo natin sa Iraq. Naniniwala kasi silang ang patuloy na pananatili ng mga ito roon ay bahagi ng patuloy na suporta ng ating pamahalaan sa isang pananakop mali at imoral.

Sinalakay ng US ang Iraq gamit ang mga kasinungalingan ng pagkakaroon daw ng Iraq ng weapons of mass destruction at pakikipagkuntsaba sa mga terorista. Hanggang ngayo?y di pa napapatunayan ang mga bintang na iyan. Sa halip, ang nagiging malinaw ay ang interes ng US sa likas na yaman ng Iraq at ang kagustuhan nitong patuloy na mangibabaw sa daigdig.

Kung pauuwiin ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga tropa nito sa Iraq, maililigtas ang buhay ni Angelo de la Cruz. Magiging hudyat din ito ng muling pagtatangka ng Pilipinas?gaya nang patalsikin nito ang US military bases?na tumayo sa sariling paa at talikuran ang pagiging sunud-sunuran nito sa Estados Unidos. Kung magkakaganoon, ang kaligtasan ni de la Cruz ay magiging muling pagyakap ng Pilipinas sa kasarinlan.

(Mababasa sa Filipino Youth for Peace ang mga balita at iba pang updates sa kaso ni Angelo de la Cruz.)


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center