Salamat kay Lito Nartea sa pagpapadala ng sulat na ito. Gaya ng inyong nais, ipinapaskil ko ang inyong e-mail. Taga-public school din ako, pero sa UP.
Narito ang sulat:
Kung taga-PUP ka, naranasan mong makipagsiksikan papasok ng Teresa di ba? Yung bang nagkalat ang mga bata, tambay, nagtitinda ng tokneneng, burger, sitsarong balat ng manok at iba pa. Samutsaring amoy pawis, amoy cologne, amoy sigarilyo. Mararanasan mo yan pagpasok pa lang ng teresa. Nakaharang ang mga trolly na syang pinakamabilis na paraan para ka makatawid sa ilog na nag-uugnay sa pandacan. Ang mga riles na siyang nagsisilbing palaruan ng batang maynila. Ang lahat ng ito’y masisilayan mo sa pagpasok sa mahal mong paaralan. Pero paglampas mo, tila ka modelong naglalakad sa catwalk. Tila ba paraiso sa gitna ng siyudad. Isang institusyong naglalayong lumawak ang iyong kaisipan.
Kung taga-PUP ka, imposibleng hindi mo naranasang huminto sandali at hintayin ang pagdaan ng rumaragasang tren. Nakakainis kung kailan ka pa naman nagmamadali. Marahil ay naranasan mo ring mapapikit sa takot dahil sa mga paslit na pilit na sumasakay sa higanteng bakal na ito. Hindi alintana ang panganib na kanilang sinusuungan. Hindi mo maiwasang mapailing sa kahirapang nakatambad iyong harapan. Ang mga barung-barong na halos isang dipa lamang na tinutuluyan ng hindi bababa sa apat na miyembro ng pamilya. Naiisip mong kung hindi ka magsisikap ng pag-aaral ay baka dumating ang panahong matulad ka rin sa kanila. Kailangan mong makatapos agad para hindi mo na sila makita pa.
Kung taga-PUP ka, naranasan mo na ring maglakad sa baha sa may anonas hindi ba? Naisip mong kung ang magulang mo’y mayaman hindi ka dyan mag-aaral hindi ba? Naiinis ka sa mga nagsi-side car at nagta-tricycle na nagtataas ng pamasahe tuwing baha. Naiinis ka sa MMDA kung bakit hindi masolusyunan ang problema sa baha. Galit ka sa ulan, galit ka sa gobyerno, galit ka sa mga corrupt, galit ka sa suwelas ng sapatos mo kung bakit kung kailan ka nagngingitngit sa galit ay saka naman ito ngumingiti.
Kung taga-PUP ka, naranasan mo ring makinig sa mga hinaing ng bayan na palagi na lang isinisiwalat sa lugar na tinatawag na pop-eye. Ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng langis pati na ng tuition fee maging ang paghihikayat na ibagsak ang mga tuta ng kano, ang mga imperyalista’t kapitalista. Lahat ng isyu ng lipunan ay pilit na isinisiksik sa iyong murang kaisipan. Ang iba’y nakikinig, kung minsa’y naiinis dahil hindi makapag-aral sa ingay na abot hanggang sixth floor. Marahil ay nabanggit mo na rin na sa loob lang ng PUP ay napakarami nang problema, bakit kailangang lumayo pa at pag-usapan ang suliranin ng bayan.
Kung taga-PUP ka, naiinis ka sapagkat kulang ang pasilidad, ang mga kompyuters na karamiha’y sira pa, ang mga kwartong walang electric fan, ang mga silyang kulang-kulang. Meron ka ring mga kaklaseng tarantang nagmamadali papasok sa trabaho. Meron namang iba na tutulog-tulog sapagkat pagod na galing sa trabaho. Naiisip mo, kawawang nilalang. Kung meron lang sanang susuporta sa kanilang pag-aaral?
Kung taga-PUP ka, mulat na ang iyong isipan sa problema ng bayan bago ka pa man lumabas ng unibersidad. Kung taga-PUP ka, nangarap ka ring yumaman at mapag-aral ang iyong magiging anak sa ekslusibong paaralan. Ayaw mong maranasan nila ang iyong naranasan. Kung taga-PUP ka at mahal mo ang iyong bayan, marahil ay nangako ka ring maglilingkod ng tapat kung sakaling palarin kang mahalal.
Kung hindi ninyo alam, may isang dating estudyante ng PUP na naranasan din ang lahat ng iyong naranasan. Apat na taong din siyang naglakad sa paaralang iyan. Nakita ang lahat ng kakulangan, narinig ang hinaing ng bayan sa sigaw ng mga kabataan. Nangarap ding mapaunlad ang bansang Pilipinas. Lumaban din upang maibagsak ang imperyalista, ang mga kano’t kapitalista. Naging isang aktibista, itinaas ang kamay sa pagpapalaya ng bayan laban sa diktadurya.
Kung hindi nyo nalalaman, minsan din nyang naranasan ang kakulangan ng pasilidad, ang paghahangad ng mataas na antas ng edukasyon. Nasilayan din nya ang mga eskwater at naranasan ding makapiling ang mga ito. Napailing din sya sa kahirapang tumambad sa kanyang harapan lalo na ang mga iskwater sa tabi ng riles. Nahintakutan din siya sa pakikipaghabulan ng mga batang lansangan sa tren. Ang kawalan ng mga ito ng kinabukasan sa piling ng mga magulang na hikahos sa buhay.
Kaisa mo rin sya sa pakikipaglaban. Minsan din siyang naging lider ng grupong Kabataang Makabayan. Nakipaglaban para sa kapakanan ng mga api at mahihirap. Naghangad na pag-aralan ang batas upang makatulong sa pagdinig ng kaso ng mahihirap nyang kababayan subalit ang lahat ng ito’y natigil nang malamang isa sya sa pinaghahanap nang magdeklara ng batas militar. Siya’y namundok at naranasang makipaglaban sa batas militar.
Kaisa mo rin sya sa pangarap na itaas ang antas ng edukasyon. Sa panahon ng kanyang paglago ay pilit syang bumalik upang magturo at ibahagi ito sa PUP. Hanggang sa siya ay tawagin ng Diyos upang maglingkod sa Kanya. Sa piling ng labinlimang estudyante ay ibinahagi nya ang kanyang pagmamahal sa Diyos at sa bayan. Mula sa labinlimang estudyanteng ito’y lumaganap ang salita ng Diyos na umabot pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Subalit hindi dito natapos ang lahat. Siya’y naging isang rehente ng PUP. At hindi lang isang rehente ng sandaling panahon. Siya ang PINAKAMATAGAL na rehenteng naglingkod sa PUP mula noong 1992 hanggang 2002. At alam ba ninyo na HINDI NIYA KAILANMAN TINANGGAP ANG KANYANG SAHOD BILANG REGENT. Ang lahat ng ito’y dahil sa PAGMAMAHAL niya sa mga ESTUDYANTE. Marahil ay hindi sya papayagang maglilingkod ng ganun katagal kung hindi nakita ng pamahalaan ang pagmamahal niya sa kabataan at sa bayan.
Ngayon, kung taga-PUP ka, ka-alma mater mo si BRO. EDDIE VILLANUEVA! FULL-BLOODED PUPIAN. ISKOLAR NG BAYAN, AKTIBISTA NG PUP, PROPESOR NG PUP, PINAKAMATAGAL NA REGENT NG PUP.
Hindi lamang siya sa panahon ng eleksyon maglalakad sa riles ng tren. Hindi lang minsanan kundi mula noon hanggang sa kasalukuyan. Ipinaglalaban ang iyong karapatan. Hindi itinago ang katalinuhan kundi ibinahagi ito sa mga kabataan. Nasilayan ang kahirapan ng bayan, naranasan ang lahat ng iyong naranasan, kasalo ang mga mahihirap, ang mga iskwater, ang mga walang pag-asa. Ngayo’y naghahangad siya ng PAGBABAGO. Ang maitaas ang antas ng
pamumuhay nating lahat. Naghahangad siyang maglingkod bilang pangulo ng bansa. Ang mapatunayang KAYA RIN NG TAGA-PUP ang mamahala ? at MAMAHALA NG TAPAT.
Ngayon, tatanungin kita kung taga-PUP ka, kanino ka susuporta? Sa mga taong nakaranas na ng dinaranas mong kahirapan o sa mga taong nangangako lang ng pag-asa upang makuha ang iyong boto? Sa mga taong nagsasabing mahal nila ang mahihirap subalit hindi mo makita sa kalsada? Ni hindi nararanasang pagpawisan sa paglalakad sa eskenita katulad ng nararanasan mo sa paglalakad mula sa teresa o mula sa anonas hangang PUP? Kumakain sa mga class na restaurant subalit pagdating sa mga pahayagan ay nagkakamay? Mga pabalat-bungang pahayag, mga scripted na pangkiliti, mga huwad na pangako sa hikahos nating kakabayan.
NGAYON KUNG TAGA-PUP KA, ISIPIN MO ANG KINABUKASAN MO, NG MGA ANAK MO, O NG MAGIGING ANAK MO. KANINO MO IPAGKAKATIWALA ANG IYONG BOTO? ANG KINABUKASAN NG BANSA?
HINDI KITA PINIPILIT PERO MAG-ISIP KA. MINSAN LANG MAY KAKANDIDATONG TAGA-PUP BAKA HINDI NA ITO MAULIT PA. KUNG HINDI KA KAY BRO. EDDIE VILLANUEVA SUSUPORTA, KANINO KA? KA-PUPIAN, MAG-ISIP KA!!! PAKIUSAP IPAMAHAGI MO ITO SA IBA.
Mula kay SULAT-MULAT
Full-blooded PUPian
Sumusuporta kay BRO. EDDIE VILLANUEVA
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
December 12, 2023
DOH, groups sign smoke and vape-free pledge
They want public policies for smoke-free and vape-free environments.
June 30, 2023
Viral video ng disbarred lawyer na si Larry Gadon
Para ito sa mga naghahanap sa viral video ng nadisbar na DDS at Marcos…
maganda ang mensahe ng email para sa mga katulad kong graduate ng PUP, subalit medyo may halong pulitika pala sa bandang hulihan, masarap basahin, masarap namnamin ang mga karanasan na nasusulat bigla ko tuloy na alala ang mga naging karanasan ko sa PUP, isa akong atleta nung akoy nag aaral pa, atletik skolar ika nga. si bro. eddie villanueva ay graduate din ng PUP (PCC pa nuon) at tpos nag aral din sa UP. gustong gusto kong basahin ang email kasi ngayon lang ako nakabasa ng isang liham mula sa tga PUP n nag kkwento ng kanilng karanasan, hanggang sa dumating sa parte na “may isang dating estudyante ng PUP” medyo ngkaron ng bahid ng pulitika…
next time!
ako rin taga-PUP nung high skul. naranasan ko rin ang mga sinasabi sa email. feeling ko nga mas maraming mga tibak dun nun kesa sa UP nating mahal, may mga pillbox pa ngang lumilipad.
anyway, nung una nagtataka ako nung makakuha ng text sa isang dating guro ko nung high school na suportahan ko raw si eddie v. hindi ko alam na regent at prof pala siya sa pup. akala ko lang dahil amen, amen ang oryentasyon ng guro kong iyon kaya gusto niyang suportahan ko ang kandidato niya.
pero matapos kong magburo ng ilang linggo sa kaka-check ng student papers, at di lang iilan ang nagsurface na ang kanilang presidentiable of choice ay si eddie v, napag-iisip din ako.
may panahon pa naman mag-isip, kaya lulubusin ko na ang panahon ko.
kala ko PUP alone lang!!
ok na sana eh
akala ko tungkol ito sa PUP. tungkol pala kay Bro. Eddie Villanueva. gradweyt ako ng PUP. kung may dapat tularan sa PUP ito ay si Dr. Nemesio Prudente. hindi sa sinisiraan ko si Bro. Eddie, alam ko ang kakayahan nya at maaaring sya ang iboto ko, pero parang nabasa ko dati sa isang dokumento ng PUP na stockholder sya at hndi regent. pero importante pa ba ang mga detalyeng ganito?
proud ako na galing ako sa People’s University of the Philippines at galit ako sa admin ng Masscom na hanggang ngayon ay patuloy pa ring binubuwag ang pundasyon ng The Communicator kung saan naging editor-in-chief ako minsan. ipinaglaban ito at iginapang ng mga estudyante sa kabila ng paninira ng college admin. lahat na ng taktika ay nagawa na nila. pati ang pagtatayo ng isa pang dyaryo pantapat sa The Comm.
proud ako na galing ako sa People’s University of the Philippines at naranasan ko ang mga hirap ng isang estudyante na hindi galing sa mayamang pamilya.
proud ako na galing ako sa People’s University of the Philippines at dito kininis ang aking pagsusulat..
Nakakamiss nga ang PUP lalo na yung kinatatakutan kong mang-aagaw ng sumbrero habang papasok ka sa Teresa. Minsan na akong naging biktima nila( hiram ko pa sa kaibigan ko yung sumbrero ko).Nakakmiss din yung sobrang habang pila sa pag-eenrol, nakakAmiss din ang sunugan ng mga plakards habang sumisigaw na ibagsak ang rehimeng ________. Nakakamiss din yung mga vandalism na may message na ” HALINA KABATAAN, PALAYAIN ANG ISIPAN”
Mabuhay ang mga taga PUP…. Mabuhay ang mga anak ng bayan… Iboto si Bro. Eddie Villanueva.