(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Karagdagang kabuhayan ang hinangad nila. Subalit hindi nila ito nakamtan. Sa halip, ang ilan ay iniuwing walang buhay.

Habang isinusulat ang kolum na ito, 14 katao na ang naiulat na namatay sa marahas na paglansag sa hanay ng mga nagpoprotestang mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Matatagpuan sa lalawigan ng Tarlac, may 6,000 ektaryang tubuhan ang Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng angkan ng mga Cojuangco na kinabibilangan ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Hindi naipamahagi sa mga magsasaka sa ilalalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng pamahalaan ang lupaing bumubuo sa Hacienda. Sa halip, napanatili ng mga Cojuangco ang pagmamay-ari sa Hacienda. Ipinatupad nila ang stock distribution option (SDO). Ipinamahagi ang shares of stocks sa beneficiaries sa halip na paghati-hatian ang lupain.

Sa ngayon, 17% pa lamang ng Hacienda Luisita, Inc.ang pagmamay-ari ng mga magsasaka. Ayon nga sa isang lider ng mga manggagawa sa Hacienda, dahil sa SDO ay napilitang isuko ng mga magsasaka ang kanilang karapatang mag-ari ng lupa sa Hacienda kapalit ang katiting na sapi sa korporasyon. Pinalakas pa raw nito lalo ang hawak ng mga Cojuangco sa Hacienda.

Gawa marahil ng kalakarang alam na nating kadalasang nangyayari sa piyudal na kaayusan sa pagitan ng mga panginoong maylupa at mga tauhan nila, ang mga manggagawa sa Hacienda ay nalubog sa utang. Ayon nga sa mga ulat, P9.50 kada araw lang ang take-home pay ng ilan — o di kaya karamihan? — sa mga manggagawa roon.

Sa ganyang kalagayan, hindi kata-katakang laging puno ng ligalig ang Hacienda Luisita.

Noong Nobyembre 1997, nagboykot sa kanilang trabaho ang mga manggagawa sa Hacienda bilang protesta sa cost-cutting measures ng management. Binawasan daw kasi ng P800 kada buwan ang kanilang suweldo at pinagtrabaho sila kahit linggo.

Naiulat naman noong Disyembre 2000 ang umano’y barilan sa loob ng Hacienda na ikinasugat ng dalawang katao kabilang ang lider ng unyon. Nagbanggaan naman ang mga security guards at mga manggagawa noong Hunyo 2002 matapos bawasan ang araw ng kanilang trabaho.

Noong isang taon, dalawang ulit ding nagprotesta ang mga taga-tubuhan. Noong Pebrero ng taong iyon, hiniling nila sa mga namamahala sa Hacienda na itaas ang kanilang hospitalization benefits at itigil ang pagda-downgrade mula permanente patungong seasonal positions. Pagsapit naman ng Agosto, ipinrotesta nila ang ang balak na magbawas ng mga manggagawa.

Pagkalipas ng isang taon, Agosto ngayong taon rin nang magprotesta ang mga manggagawa laban sa pagtatanggal ng may 300 nilang mga kasama.

At nitong Nobyembre nga, ang kahilingan nila para sa makatarungang karagdagang sahod at benepisyo ay hindi pinakinggan. Ang kanilang pinaigting na paglaban ay nagdala sa ilan sa kanila sa malupit na kamatayan.

Nakakalungkot isiping habang ang masasayang mga mukha ng mga pinagpalang tagapagmana ng Hacienda Luisita ay nakikita natin sa diyaryo at telebisyon habang ipinangangalandakan sa buong mundo ang kanilang karangyaan, may mga anak ng mga magsasaka’t manggagawang kumakalam ang tiyan habang nagdadalamhati.