Noong high school ako, tinuruan ako ng best friend ko na maglaro ng basketball. Tumakbo-takbo, tumalon-talon, at nagsikap akong maka-shoot sa basketball court ng aming barangay. Ang ilan sa mga kaklase naming babae, naroon din para sumuporta. Akala ko, iyon na ang maglulunsad sa aking basketball career. Pero walang nangyari.

Hindi ako natutong mag-basketball. Nagkakaroon lamang ako ng pakialam sa laro noon kapag may laban ang Añejo na naging Ginebra—at kalaunan, kapag may laban ang UP Fighting Maroons.

Pero di man basketball fan, nitong nakalipas na mga linggo ay napadalas ang panonood ko ng basketball sa TV nang may kasama pang pasigaw-sigaw. Naging kapanapanabik kasi ang mga laban ng ating pambansang koponan, ang Gilas Pilipinas. Bigo man itong mag-uwi ng medalya sa 2014 FIBA World Cup, kitang-kita ang pagsusumikap ng mga pambato natin na ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para matapatan ang nagsisilakihan at nagsisigalingang mga manlalaro mula sa mga bansang mas mataaas ang ranggo kaysa sa atin. Isinabuhay nila ang sigaw ng Pilipinas sa bawat laban ng Gilas: “Puso!”

Nang mawala ang pag-asa nating makapasok sa finals ng FIBA World Cup, nakiramay ang mga Pinoy kay Marc Pingris, ang tinaguriang Pinoy Sakuragi, na napaiyak sa panghihinayang. Pero nang makatikim ng isang panalo ang Gilas sa huli nitong laban sa World Cup, tila naging kampeon ang Pilipinas sa tindi ng ating pagdiriwang! (Parang ganyan din kapag nananalo ang UP Maroons).

Kahapon, broken-hearted na naman tayo matapos matalo sa laro laban sa Korea. Si Jimmy Alapag, ang Mighty Mouse na ipinagpaliban ang pagreretiro para makapaglaro sa para sa bansa sa Asian Games, ang inalo naman ng netizens.

Pero hindi pa tapos ang laban. May maliit pang tsansa na makapasok ang Gilas Pilipinas sa semifinals ng Asian Games. Habang isinusulat ito, patuloy na binubuhay ng Gilas ang pag-asa.

Puso. Laban Pilipinas!

UPDATE: Nanalo ang Gilas laban sa Kazakhstan, pero nabigo itong makapasok sa semifinals ng Asian Games.