Hindi ko pinansin ang unang season ng Pinoy Big Brother (PBB) sa ABS-CBN. Kako’y Kapuso ako, kaya’t pakialam ko ba sa PBB na iyan. Kaya naman kahit ang pinsan kong roommate ko rin ay adik na adik at ‘di magkandatuto sa pag-aayos ng antenna ng kanyang telebisyon kapag oras na ng PBB, ako naman ay tuluy-tuloy sa pagko-computer. Iritado rin ako noon sa boses ng host na si Toni Gonzaga, ang host ng PBB na tumawid ng bakod mula sa Kapuso Network.

Gaya ng karamihan sa mga palabas sa mga lokal na himpilan ng telebisyon, ang palabas na PBB ay in-import lamang ng ABS-CBN mula sa ibang bansa at binigyan ng Pinoy flavor. Mula sa aklat na 1984 ni George Orwell ang konsepto ng programa. Ang 1984 ay tungkol sa isang lipunang kinokontrol ng isang naghaharing Partido na kinakatawan ng isang karakter na kung tawagin ay Big Brother. Sa pamamagitan ng kamera at mga nagkalat na kasapi at espiya, nakikita ni Big Brother ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga nasasakupan.

Kaya sa PBB, lahat ng silid sa loob ng bahay ni Kuya — ang Pinoy Big Brother — ay sinusubaybayan ng mga kamera. Bukod sa araw-araw na ipinakikita sa ABS-CBN Channel 2 at sa Studio 23, maaari ring subaybayan ng mga manonood ang buhay ng mga tauhan sa PBB sa Internet at sa cable TV, 24 na oras bawat araw, at pitong araw bawat linggo.

Sa Celebrity edition, 14 na celebrities ang pinapasok sa bahay ni Kuya upang mamuhay nang hiwalay sa “totoong mundo.” Wala silang access sa outside world — bawal ang TV, radyo, at dyaryo, pati na rin cellphone. Sila-sila lamang ang magkakasama upang gawin ang lahat ng iuutos ni Big Brother. Bawat linggo ay nagtanggal ng mga kalahok. Mayroon ding mga kusang umalis sa iba’t ibang dahilan.

Noong una, na-curious lang ako kung sinu-sino ang mga kasali. Pinanood ko ang gabi ng pagpapakilala sa mga celebrity. Ngunit gaya ng maraming bagay, kapag sinimulan, ‘di na matigilan. Hanggang gaya ng aking pinsan, na-adik na rin ako sa PBB. ‘Yun nga lang, dahil nasa Dubai na siya, ‘di ko alam kung nakapanood pa rin siya. Basta kami ng Mahal ko, gabi-gabing nakiusyuso sa mga nasa loob ng bahay ni Kuya.

Sabi ko dati, ang PBB ay nag-aappeal sa inner tsisomoso at tsismosa sa bawat isa sa atin. Malamang ay ganoon nga. Pero sa totoo, nakatutuwang panoorin ang mga celebrity: mga artista, modelo, atletang kilala bilang sila sa tunay na buhay. Nalaman natin ang kanilang mga kuwento, tagong ugali, insecurities, at maging mga pangarap.

Naging malaking usapin ang paglalaladlad ni Rustom Padilla sa loob ng bahay. Sinundan din ng marami ang nakakainis na pangungulit ni Rico Robles kay Roxy Barcelo. Inabangan din ng marami kung masisilayan ba ng mga manonood ang buhok ni Budoy.

Sa tingin ko’y medyo foul yung ginawa ni Zanjoe Marudo na lantarang pagdiskarte kay Bianca Gonzalez na may special someone na naiwan sa labas — sabi ko nga, kung ako siguro yung nasa kalagayan ng special someone ni Bianca na nasa labas ng bahay, at kahit paborito ko ang Bench na iminomodel ni Zanjoe, ay bumubula na ang bibig ko sa selos. Pero sa kabila nito, ‘di maitatangging bagay na loveteam sina Zanjoe at Bianca —pareho silang asteeg.

Nakita naman ang tila tagong bahagi ni John Pratts: kung noo’y pa-cute na heartthrob lang ang pagkakakilala natin doon sa bata, nalaman nating siya’y isang mapagmahal na anak at kapatid, emosyonal na kaibigan, romantikong manunuyo, at mapagkalingang nilalang — isang mabuting tao, sa maikling salita.

Sa kanilang lahat, totoong big winner ang nanalong si Keanna Reeves, ang “Kilabot ng Senado,” o Janet Derecho Duterte sa totoong buhay. Sumikat siya noon dahil sa pagbubunyag niya ng pagkakaroon ng mga escort services para sa mga pulitiko. Tinulungan siya noong ng grupong Gabriela, kaya naman ang women’s group ang pinili niyang beneficiary na nakatanggap ng isang milyong piso sa kanyang pagkakapanalo. Sa loob ng bahay ni Kuya, ang noo’y starlet na nagpipilit magpabata at ang tanging asset ay ang mabigat na hinahanarap ay nakilala bilang isang taong pinanday ng karanasan, isang mapag-arugang ina, maaasahang kaibigan, at higit sa lahat, isang totoong tao.

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette. Photo credit: Source (WP:NFCC#4), Fair use, Wikipedia)


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center