in Pelikula at Telebisyon, People

Marami sa atin ang naniwala na sa biyaheng ito ng buhay, may isang taong itinadhana para sa bawat isa sa atin. May ilan sa atin na napatunayan na ito base sa sariling karanasan. Para naman sa mga naghihintay pa, ito lang ang masasabi ko: “Walang sigurado. Pero minsan, kailangan mo lang maniwala.”

Galing ang linyang ‘yan sa isa sa mga paborito kong pelikula, ang “Love You to the Stars and Back” ni Antoinette Jadaone na nagtampok kina Joshua Garcia at Julia Barretto. Ikinuwento sa pelikulang ‘yan kung paanong nagkatagpo sa isang biyahe ang binatang probinsiyanong si Caloy at ang dalagang tagalungsod na si Mika. Natawa, naiyak, at na-in love ang mga manonood sa magkasamang pakikipagsapalaran ng dalawa papunta sa kani-kanilang patutunguhan. Masasagot sa dulo kung ang dagliang pagtatagpo at napakaikli ngunit malalim na pagsasama ay maaaring mauuwi sa pag-iibigan.

Mas lalo kong nagustuhan sa pelikulang ito ang JoshLia — o sina Joshua at Julia — na una kong napanood sa “Vince and Kath and James.” Madaling maka-relate kay Joshua, na na-discover sa palabas na Pinoy Big Brother ng ABS-CBN. Si Joshua ‘yong tipo ng artistang puwede mong isipin  — kung teenager ka — na tropa mo lang o kaya nama’y pinsan o pamangkin kung Titos of Manila ka nang gaya ko. Si Julia naman ay mula sa isang pamilyang taga-showbiz, at ang kaniyang ina at mga tiya ay kilala noong aming panahon na kabilang sa mga may pinakamagagandang mukha sa industriya. Si Julia ay para namang ‘yong crush mo — o crush mo noong kabataan mo — na maganda at medyo sosyal, kaya’t iniisip mong mahirap maabot.

Madalas ikumpara sa mahuhusay na mga aktor na sina John Lloyd Cruz at Alden Richards si Joshua Garcia. Kung di mo pa napanood ang “Love You to the Stars and Back,” abangan mo ang eksenang sinabi niya ang linyang ito: “Kahit saglit lang. Three minutes lang, three minutes lang. Sige na… Ate.” Sa pag-deliver niya niyan, maaaring maiintindihan mo kung saan nagmumula ang mga paghahambing.

Ilang ulit ko nang napanood ang “Love You To The Stars And Back,” pati na rin ang mga bahagi nito dahil tuwing bubuksan ko ang iflix sa Roku Powered™ PLDT TVolution namin, iminumungkahi ng iflix na ipagpatuloy ko ang panonood nito. Dahil nakakaaliw, may mga pagkakataon — gaya ngayong tinatapos ko ang post na ito — na hinayaan ko lang na mag-play sa aming TV ang pelikula.

Ilan sa mga sa tingin ko’y ipinakita sa kuwento ang mga ito:

  • Minsan lang tayo bibiyahe sa daigdig na ito bago tayo kunin ng aliens. You only live once. YOLO, ‘ika nga.  Mahirap na ang may what-ifs, kaya bakit di mo subukan — maging pag-ibig man ‘yan, trabaho, o kahit pagkain? Sabi nga ni Caloy, “Basta ako, kakainin ko ‘to kasi minsan lang ako makakain ng ganito. Kung hindi masarap, eh di hindi. Eh, paano kung masarap?”
  • Mas masaya ang biyahe kung magiging mabuti ka sa mga nakakasabay mo. Sina Caloy at Mika, naging mabuting kasabay sa manong na may mga dalang mga manok at sa dalagitang si Ronabel na ayaw na sanang pumunta sa kanilang JS prom.
  • At gaano man kahaba ang bihaye at kahit pasikot-sikot ang daan, iba pa rin ang pagmamahal at pagkalinga ng pamilya.

Pinanood ko rin sina Joshua at Julia sa “Unexpectedly Yours,” kung saan nila nakasama ang Megastar na si Sharon Cuneta at ang Bad Boy of Philippine Movies na si Robin Padilla.

Ngayong linggo naman, aabangan ko ang bagong pelikula ng JoshLia, ang “I Love You, Hater.” Kasama naman nila rito si Queen of All Media Kris Aquino, na brand ambassador ng PLDT at Smart. Kitakits sa mga sinehan.

Post a reply