Kapag ganitong mga panahon, abala na ang marami sa atin sa pamimili ng mga pangregalo sa Pasko. May Christmas rush na, ‘ika nga. Kaming mga narito sa Maynila, nagsisisuguran sa malls o kaya’y sa mga tiangge sa Divisoria. Kaya’t subukan mong mag-Divi nang ganitong mga araw, at para kang dumalo sa pista ng Mahal na Nazareno.

Sa mga maraming inaanak at reregaluhang mga kaibigan, katrabaho’t kamag-anak, makabubuting maghanda na maaga pa lamang. Bago maging siksikan at punuan ang malls dahil sa Kapaskuhan, magandang sa unang bugso ng bonuses ay makabili na’t unti-unti nang makaipon ng mga panregalo.

Kung mahilig kang bumiyahe’t sa bakasyon ay may naispatan kang souvenir na sa tingin ninyo ay magugustuhan ng isa sa mga balak mong regaluhan, kahit malayo pa ang Pasko’y puwede mo na itong bilhin, ibalot at itago.

Sa pagbibigay ng regalo, mahalagang isipin kung magagamit ba ng pagbibigyan ang mga bagay na matatanggap nila.

Karaniwang ipinamimigay na regalo at pasalubong ang keychain. Magandang isipin: ilang keychain na kaya ang pag-aari ng isang tao, at ilang ganito ang kailangan niya? May mga taong gaya ko na mahilig mangolekta ng mugs. Pero dapat alamin kung may partikular na uri, hitsura, o laki ng mug na kinokolekta niya. Kung ref magnet naman, ang iniipon ba niya ay ‘yung galing lang sa mga lugar na napuntahan niya, o OK din lang kung galing sa biyahe ng mga kaibigan niya?

Marami ring namimigay ng picture frame. Sa panahon ngayon ng digital camera, Instagram, at umuuso na ring digital photo frames, may mailalagay pa kayang mga printed photos ang tatanggap nito? Kung magbibigay ka ng bookmark, alamin muna kung mahilig magbasa ng aklat ang makatatanggap. Kung balak mo naman ay protective cover ng cellphone, dapat sigurado ka sa unit ng phone na ginagamit niya.

Sa pagbili naman ng regalo para sa mga bata, ang payo ng mga eksperto’y isaalang-alang ang edad, interes at kaligtasan ng tatanggap. Pag-isipan din ang mensaheng maaaring ipahatid sa mga murang isipan ng mga kabataan ng mga regalong ibibigay natin. Tanungin natin ang ating mga sarili, halimbawa, kung ang pagbibigay ba ng mga laruang baril-barilan ay makakatulong sa pagsusulong ng isang mapayapang lipunan. O kaya naman, ang mga manikang nagpapakita sa kabataang buntis ay ‘di kaya magturo sa kanila na ayos lamang ang teenage pregnancy?

May mga pagkakataon ding sa halip na laruan, damit, o iba pang mga bagay, baka mas makakatulong kung cash na lamang ang ibibigay. Anu’t anuman, gaya ng laging sinasabi, anuman ang regalo, ang pinakamahalaga’y naalala natin sila.

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette noong Disyembre 9, 2012)


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center