Sa pelikulang “Vince & Kath & James” ko unang napanood ang tambalan nina Joshua Garcia at Julia Barretto — o ang JoshLia — ngunit pinakapaborito ko sila sa nakatutuwa pero madrama at di-malilimutang “Love You to the Stars and Back.”

Dahil sa paghihiwalay nila ng landas noong isang taon bilang magkasintahan at magka-love team, akala ko’y huling pagtatambal na nina Joshua at Julia sa pinilakang tabing ang “I Love You, Hater,” kung saan nakasama nila ang Queen of All Media na si Kris Aquino.

Alam ko na may ginagawa silang pelikula na may mga zombie. Maliban sa pagiging JoshLia movie, naging intresado ako sa “Block Z” dahil nga tungkol ito sa mga zombie, na usong-uso ngayon sa pelikula at telebisyon — pati na rin sa Facebook, kung alam n’yo ang tinutukoy ko. Paborito ko rin ang “Warm Bodies” book series ni Isaac Marion at ang pelikula nito, na tungkol naman sa isang zombie na nainlab sa isang tao.

Anyway, dahil nga sa mga nangyari, nawala na rin sa isip ko ang “Block Z” hanggang kanina, nang mabasa ko sa When in Manila na may bagong trailer ang pelikulang ito ni Mikhail Red, na direktor ng patok na patok ngayong “Dead Kids” sa Netflix.

Panoorin ang kahindik-hindik at malagim na full trailer ng “Block Z,” na tungkol sa pakikipagsapalaran ng mga grupo ng mga estudyante para makaligtas sa pagkalat ng mga zombie:

Kahit wala na sina Joshua at Julia at wala nang JoshLia, aabangan ko pa rin ang “Block Z.” Sa pelikulang ito ng Star Cinema na ipalalabas na sa Enero 29, 2020, mapapanood din sina Ian Veneracion, Ina Raymundo, Dimples Romana, Yves Flores, Myrtle Sarrosa, Maris Racal, McCoy de Leon at iba pa.