Sa apat na taong pag-aaral ko sa UP at paminsan-minsang pakikilahok sa mga rally, minsan ko lamang naranasan ang maluha dahil sa tear gas. Mainit at nakapagpapahapdi ito ng mga mata. Kahit hindi ka naiiyak, maluluha ka talaga.
Nangyari ito noong 1998, habang maigting na tinututulan ng mga mamamayan ang Visiting Forces Agreement o VFA. Bigla kaming sumugod sa harap ng US embassy, ngunit mabilis pa sa alas kuwatrong nakaresponde ang pulisya. Agad nila kaming pinaligiran, at kinalaunan ay naramdaman kong humahapdi ang aking mga mata. Hindi ko kaagad naisip na na-tear gas na pala kami.
Ngunit sa kabila ng hapding dulot ng tear gas, mas nagalit ako sa namalas kong pananakit ng mga pulis sa mga kasama ko. Isa sa mga lider ang nakita kong nasugatan matapos mapukpok ng kalasag ng mga pulis, habang pinipilit nilang makahuli ng mga nagra-rally. Sa mga oras na iyon, hindi ko matanggap kung bakit kaming mga kabataang Pilipinong nagpapahayag ng lehitimong protesta sa harap ng tahanan ng mga dayuhan ay sinusupil ng kapwa namin mga Pilipino.
Naalala ko ang isinulat namin noon sa pahayagan ng mga mag-aaral tungkol sa aming pagtutol sa VFA: “Babastusin nito ang soberanya ng ating bansa sapagkat hahayaan nito ang mga Amerikanong sundalo at sasakyan na dumaong sa bansa nang libre sa buwis at inspeksiyon ng awtoridad ng Pilipinas. Ginagago nito ang ating Konstitusyon sapagkat nagdadala ito ng mga armas pandigma at nuclear weapons na ipinagbabawal ng ating Saligang Batas. Tinatarantado nito ang mga Pilipino dahil kaakibat ng VFA ang paglala ng prostitusyon, pang-aabuso sa karapatang sibil ng mamamayan, at pagsira ng ating tahanan at kalikasan.”
Naganap na ang isa sa mga pinangangambahang nating mangyayari na noo’y nagbunsod ng pagtutol ng mga mamamayan sa VFA. Sa pagpasok ng Nobyembre, pumutok ang balitang isang 22-taong gulang na dalagang Pilipina ang ginahasa sa Subic ng anim na kasapi ng US Marines.
At dahil sa mga probisyon ng VFA na pumapabor sa mga Amerikano, hanggang ngayon ay nasa kamay pa rin ng US embassy ang anim na Amerikanong suspek na sina Kieth Silkwood, Daniel Smith, Albert Lara, Dominic Duplantis, Corey Barris, at Chad Capent.
Ni walang bulong o buntung-hininga ng pagkondena sa karumal-dumal na krimen ang narinig mula sa Palasyo. Tanging mga maiingat na mga pahayag na pangako, gaya ng “Nais kong bigyan ng diin na naniniwala tayo na ang importante ay matupad ang hustisya, ipagtanggol ang ating kababaihan at igiit natin iyong ating hurisdiksyon dito sa kasong ito,” ang narinig mula kay Sec. Ignacio Bunye, tagapagsalita ng Pangulo. Nakapanlulumo ang ganitong sitwasyon. Kung nagkataong mga Pilipino ang mga akusadong rapist, siguradong ipinaparada na sila ngayon sa media ni Pangulong Arroyo.
Bagamat mga ang akusado ay dapat ituring na inosente hangga’t di pa nahahatulan, umaasa tayong mas magpapamalas ng tapang ang ating pamahalaan sa kasong ito. Ngunit gaya ng masaksihan ko noon sa harap ng US embasssy, sadya yatang laging mas inuuna ng ibang Pilipino ang kapakanan ng mga dayuhan kaysa sa kanilang kababayan.
Makikita ito sa kaso ng drayber ng van na sinakyan ng mga pinaghihinalaang rapist na kamakailan ay halos i-absuwelto ang mga Marinong nauna na niyang pinaratangan ng panggagahasa.
Ayon kay Prof. Luis Teodoro ng UP, hindi na ito kataka-taka. Sigurado raw na aayusin ng kasalukuyuang rehimen na malusutan ang gusot na ito, habang tinitiyak sa Amerika na hindi makukulong sa Pilipinas ang kanilang mga Marino. Sa ganyang kalagayan ay may tawag aniya ang mga Pilipinong maalam sa kasaysayan: “muling pagsasabuhay sa nakalipas” at “kataksilan.”
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
July 30, 2019
Ang nagpanalo sa bagong Senado
Kahit ilang candidate profiles at election debate shows ang gawin ng media,…