Nasa showbiz news ngayon ang sinasabing paghihiwalay ng reel-and-real-life lovers na sina Liza Soberano at Enrique Gil o LizQuen. Totoo man hindi, siguradong may kani-kaniyang paboritong drama at pelikula ng LizQuen ang fans ng loveteam. Ito ang listahan ko.
‘Forevermore’
Ito ‘yong teleserye ng love story nina Agnes Calay (Liza), isang dalagang taga-strawberry farm sa Tuba, Benguet, at Xander Grande (Quen), binatang tagapagmana ng isang mayamang pamilyang may-ari ng hotel sa Baguio. Sinundan at kinakiligan ng marami ang kuwentong ito kung saan nakasama nina Liza at Enrique sina Sofia Andres at Marco Gumabao.
Wala pang app ang iWantTV noon para sa LG webOS TV namin. Naalala kong nag-install ako ng isang app na puwedeng maglagay ng links sa computer para ma-play ang “Forevermore” — at “Kalyeserye” — videos sa TV. Tapos sama-sama kami sa bahay na manonood sa mga luha at saya sa pag-iibigan nina Xander at Agnes.
Dahil sa “Forevermore,” naging tourist spot ang Sitio La Presa, na tahanan ng masayang strawberry farm na kinabibilangan ng pamilya ng bidang babae. Sa totoong buhay, ang Sitio La Presa ay ang Sitio Pungayan sa Barangay Poblacion, Tuba, Benguet. Kinalaunan, pinigilan ng gobyerno ang pagpunta ng mga turista roon para maprotektahan ang likas na yaman ng lugar.
Mayroon namang mga naengganyong pumunta sa The Manor at Camp John Hay sa Baguio, na sa “Forevermore” ay hotel nina Xander. Kabilang kami riyan — nag-stay kami sa The Manor noong 2017 at bumisita pa ulit doon nang mag-Baguio kami. Masarap ang raisin bread nila.
As of this writing, mapapanood pa rin sa iWantTFC ang “Forevermore.”
‘Alone Together’
Kwento naman nina Tin (Liza) at Raf (Quen) ang “Alone/Together.” Arts student sa Unibersidad ng Pilipinas si Tin, at biology student sa University of Santo Tomas si Raf. Napanood ang kanilang pagkikita at pagkikilala, pag-iibigan, paghihiwalay, at muling pagtatagpo. Itinampok din ang kanilang mga pangarap, pati ang kagustuhan ni Tin na baguhin ang mundo.
Sa muli nilang pagkikita, sa kabila ng mga pagbabago sa kanilang buhay, may pag-asa pa kayang mabalikan ang kanilang naiwang kahapon? Kaya ba nilang talikuran ang kani-kaniyang kasalukuyan para matupad ang mga pangakong ibinulong sa nakaraan?
Sa mga drama at pelikula ng LizQuen, ito ‘yong punong-puno ng mga bagay na pamilyar sa akin: UP, Sunken Garden, UP Lantern Parade, Eraserheads. Halatang-halatang taga-UP rin ang writer-director nitong si Antoinette Jadaone.
Nailarawan din sa “Alone/Together” ang mga pangarap ng maraming taga-UP: bukod sa baguhin ang mundo ay ang mapanatili sa alaala ng mga Pilipino ang kanilang kasaysayan.
“Mga kids, parte ito ng kasaysayan natin. Pero dapat kahit nangyari na ito sa past, hindi tayo nakakalimot. Kasi importante na malaman natin kung ano ang nangyari sa nakaraan para hindi na maulit ang mga pagkakamali. We must never forget,” ani Tin sa mga batang itinu-tour niya sa National Museum sa isang eksena sa pelikulang ito.
Nakakalungkot, pero tilawala nang pag-asa ang adhikaing ito. Wari’y mas pinili ng mga Pilipino ang lumimot. Naalala ko tuloy ang sagot ni Raf kay Tin noong pinag-uusapan nila ang matatayog na pangarap ng dalaga: “Sa ‘yo, bilib ako. Sa mundo, hindi.”
Isa rin sa mga tema ng pelikulang “Alone/Together” ang patuloy na paghabol sa mga pangarap. “It’s never too late to be what you might have been,” sabi nga ng nobelistang si George Eliot.
At dahil paborito ng mother-in-law ko ang LizQuen, nanood pa kami ng block screening ng “Alone/Together” na in-organize ng online friends ko sa Tatak LizQuen.
Mapapanood pa rin sa iWantTFV ang “Alone/Together.” Nasa Netflix din ito. May playlist din ng clips at behind-the-scene videos nito sa YouTube channel ng Black Sheep:
‘Everyday I Love You’
Nasa love triangle naman sina Enrique Gil, Liza Soberano, at Gerald Anderson sa “Everyday I Love You.” Ambitious at driven na TV producer si Quen sa papel na Ethan. Boyfriend naman ng tour guide na si Audrey (Liza) ang haciendero na si Tristan (Gerald). Habang nasa coma ang naaksidenteng si Tristan, magiging magkatrabaho sina Ethan at Audrey at magkakainlaban.
Itinampok sa “Everyday I Love You” ang ganda ng Silay City, Negros Occidental. Lutang na lutang din dito ang pagiging magagandang tao nina Liza at Quen. Panalo rin ang kantang “It Might Be You” na theme song ng pelikula.
Hindi ko nalimutan ‘yong eksenang ayaw pakainin ni Tristan ng manok na may chicken oil si Audrey. Isa lang ‘yan sa maraming ipinagbabawal sa kaniya ng conservative — at killjoy — na boyfriend. Kahit super loyal sa kaniya Tristan si Audrey, hindi nakapagtatakang nagbago ang feelings ng dalaga.
Sa isang TV network pa ako nagtatrabaho noong mapanood ko ang “Everyday I Love You” kaya siguro mas nagustuhan ko ito. Hindi ako TV show producer noon, pero familiar ako sa mga usapang ratings at sa stress na nararanasan ng mga nasa likod ng camera sa telebisyon. Gumagawa rin kami ng mga gimik sa social media para mas marami ang manood sa palabas namin.
Panoorin ang buong pelikula sa YouTube channel ng ABS-CBN:
Nasa iWantTFC at Netflix din ang “Everyday, I Love You.”
‘My Ex and Whys’
Kasama rin sa listahan ko ang “My Ex and Whys.” May mga eksena kasi ito sa Nami Island at iba pang mga lugar sa South Korea. (Ang ilan ay nabisita na rin namin — at sana’y makabalik kami para makapag-live from Korea ang “Usapang Hallyu” na K-drama podcast namin nina Myla at Hannah sa Hallyudorama.)
Blogger at Twitter user din ang ang isa sa mga bida rito na si Cali (Liza). Babaero ang bidang lalaki rito, si Gio (Quen). Ipinakita rin ng pelikula ang sakit at self-doubt na nararanasan ng mga babaeng niloloko ng kanilang partner.
Matindi ang mga lakaran at hanapan sa Korea “My Ex and Whys.” Marami rin ang mga bakit na kailangang sagutin. Siyempre, hindi mawawala ang kilig dala ng mag-ex na bida.
Sana naman, sa pelikula lang mag-ex ang LizQuen. Pero kung mag-decide man silang maghiwalay ng landas, maging understanding sana ang kanilang fans.
Kayo, ano-ano ang paborito ninyong mga drama at pelikula ng LizQuen?
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
August 29, 2024
‘Joy Ride’ premieres November on Lionsgate Play
Irreverent comedy features four unlikely friends' unforgettable international…
May 12, 2024
Heartfelt movies and series for mom on Lionsgate Play
Celebrate moms with laughter, tears, and heartwarming stories.