Sa maniwala kayo’t sa hindi, ngayong taon ko lamang napanood ang mga pelikulang Superman. Nakakaaliw nga dahil para akong si Migmig, na tuwang-tuwa sa Superman. Bagamat dati’y napapanood ko sa TV ang “Louis and Clark,” etong Superman I to IV ay ngayon ko lang na-enjoy. (Ikukuwento ko sa ibang panahon ang tungkol sa pagka-Superman fan ko.) Noong lumalaki kasi ako sa probinsiya, hindi uso sa akin ang mga dayuhang palabas. Lumaki akong sina Darna at Captain Barbell, Zarbot, Bioman, at Shaider ang mga superhero sa komiks at telebisyon.

Naalala ko pa nang napanood ko ang Captain Barbell noong 1980s. Ito yung si Edu Manzano ang Captain Barbell, si Herbert Bautista ang Teng-teng, at si Sharon Cuneta ang Darna. Sa isang classroom ito ipinalabas sa high school na kalauna’y magiging paaralan ko rin. Noon kasi’y may mga nagpapalabas ng mga sine sa barangay namin. May dala silang malaking projection screen, at may kadobol ang bawat palabas. Doon ko rin napanood ang pelikula ni Sharon na “Kailan Sasabihing Mahal Kita,” na halaw rin sa komiks, at ang “Halimaw sa Banga.”

Mabalik tayo sa Captain Barbell — tuwang-tuwa ako sa pelikulang iyon. Napanaginipan ko pa nga na inilipad daw ako nina Captain Barbell at Darna. Anuman ang sabihin ng iba sa special effects ng may pagka-comedy na pelikulang iyon, kung magkakaroon ako ng DVD nito ay ikatutuwa ko pa rin.

Noong 2003 naman, di ko rin pinalagpas ang Captain Barbell na pinagbidahan nina Bong Revilla, Ogie Alcasid, at Regine Velasquez.

Kahit tila nagamit sa kampanya ni Bong Revilla sa pagkasenador ang pelikula, at kahit hindi kamangha-mangha ang teknikal na aspeto ng pelikula, nagustuhan ko ito dahil “malinaw nitong naipahatid sa audience — sa kaso ng Captain Barbell, ay mga bata — ang mga pagpapahalaga (values) na salat na salat at hindi na makikita sa marami sa mga pelikula ngayon… Ilang ulit na ipinakita ni Enteng na ginampanan ni Ogie Alcasid ang kahalagahan ng pagmamahal sa pamilya, ng pagiging masipag, masikap at matipid, at lalung-lalo na, ang kababaan ng loob. Ang totoo niyan, kaya siya ang napiling pagkalooban ng kapangyarihan na maging Captain Barbell (Bong Revilla) ay dahil sa busilak niyang kalooban.”

(Sa blog na Psychicpants, may mas malawak at maalam na paliwanag kung paanong naipakita at nagamit sa Captain Barbell ang mga dalumat ng loob at labas sa Sikolohiyang Pilipino. Dito rin naihambing ang kuwento ni Captain Barbell sa alamat ni Bernardo Carpio, na iniuugnay naman ng ilang makabayan kay Supremong Andres Bonifacio. Magsusulat din ako hinggil dito sa susunod.)

Captain Barbell
Richard Gutierrez
bilang Captain Barbell

At ngayon nga, matapos ang muling paglipad ni Darna, ang partner niyang si Captain Barbell naman ang ngayo’y nagbabalik. Mapapanood na rin natin sa telebisyon si Captain Barbell sa GMA-7, ang ating Kapuso Network. Gagampanan ni Richard Gutierrez, na lalong nakilala sa Mulawin at Sugo, ang papel ni Teng at ni Captain Barbell. Gaya ng pagpapalabas sa Darna, may basbas din ni Mars Ravelo ang pagsasatelebisyon ng isa pang likha ng dakilang nobelista sa komiks.

Sa pananaliksik ko sa Internet, nakita kong unang lumabas si Captain Barbell sa Pinoy Komiks noong Hulyo 18, 1963. Mula pa rin sa International Superheroes website, narito ang iba pang impormasyon tungkol kay Captain Barbell.

Sa mga unang patalastas ng bagong Captain Barbell ay may nakita akong pagkakahawig — o panggagaya? —sa Superman, lalo na ‘yong batang nagbubuhat ng kotse. Medyo kakaiba rin ang pagiging galing ni Captain Barbell sa kinabukasan. Mala-Kal el ng Superman na naglakbay mula sa isang mundong mas sulong sa teknolohiya. Pati ang kasuotan niya ay gawa naman daw ng lumikha ng costume nina Batman at Robin. Di ko alam kung bakit kailangang pagsuotin ng imported na damit ang isang Pilipinong superhero — parang ito ang pagsasalita ni Darna ng English sa bagong komiks. Masyado ring tisoy si Richard, pero sabagay kahit si Edu naman ay ganoon din. Medyo coñita yung leading lady niya — pero sabagay, nagkalat naman talaga ang mga ganoong kabataan sa panahong ito.

Kaya sa kabila ng mga ito, hinihikayat ko pa rin kayong panoorin ang Captain Barbell, dahil maaaring mali ang mga unang impresyon gaya ng sa kaso ng Encantadia (na sa una akala nati’y kopya lang ng Lord of the Rings pero sa katagala’y naging isang magaling na telenobela). Gusto ko rin ang theme song, “Nandito lang Ako,” ng Shamrock. Puwede rin tayong aktibong makilahok sa talakayan tungkol kay Captain Barbell sa iGMA.tv forum.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center