(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

“The death penalty is the ultimate cruel, inhuman and degrading punishment. It violates the right to life. It is irrevocable and can be inflicted on the innocent. It has never been shown to deter crime more effectively than other punishments.”

Ganyan ang pahayag ng Amnesty International — isang pandaigdigang samahan na nagsusulong ng karapatang pantao — hinggil sa parusang kamatayan. Tama ang AI. Sa mundong ito’y pinakamalupit na ang parusang kamatayan. Hindi ito makatao, at pinabababa nito hindi lamang ang pinarusahan, kundi pati ang nagpaparusa.

Sa panahong ito ng makabagong kabishasnan, nakapagtatakang habang patuloy na dumarami ang mga bansang tumatalikod sa parusang kamatayan ay patuloy itong niyayakap ng pamahalaan ng Pilipinas. Base sa datos ng AI, sa kasalukuyan ay 122 bansa na ang tumigil na sa pagpapatupad ng parusang kamatayan samantalang 83, kabilang ang Pilipinas, ang mga nagpapatuloy sa pambibitay. Hangad ng ating pamunuan na makilala bilang makabago at pasulong na bansa, pero sa usapin ng parusang kamatayan, para tayong mga barbarong naniniwala sa “an eye for an eye.” Hindi makatao’t marangal ang ganyang pag-iisip!

Dating kilala ang Pilipinas bilang pangunahing bansang Kristiyano sa Asya. (Ngayon, ang titulong iyan ay nakuha na ng East Timor, na hindi na rin nagpapatupad ng bitay.) Bilang isang Kristyanong bansa, tila hindi angkop ang pagkakaroon ng batas na nagpapahintulot sa pagpatay sa mga bilanggo.

Hindi na mababawi o mababaligtad ang parusang kamatayan. Kapag naipatupad ito, wala na, tigok na ang bilanggo kahit sa bandang huli’y malamang inosente naman pala talaga siya. Layunin ng sistema ng bilangguan ang pagwawasto sa buhay ng isang kriminal. Ngunit kung ang parusa ay kamatayan, paano sila maibabalik sa lipunan? Sabi nga ni Atty. Rachel Ruelo, superintendent ng Women’s Correctional Institute, sa isang artikulo ni Ron Gluckman sa AsiaWeek noong 1999, “We’re supposed to be in the business of rehabilitation. We can’t rehabilitate a dead person.”

Ang mas masakit pa sa parusang kamatayan — na nakapagtatakang sinasang-ayunan ng mas nakararami nating mga kababayan — ang kadalasang nabibiktima nito ay ang mahihirap na kriminal. Mula kay Leo Echagaray na na binitay noong 1999 hanggang kina Roberto Lara at Roderick Licayan na maaaring mabitay ngayong Pebrero matapos bigyan ng Kataastaasang Hukuman ng isang buwang palugit, wala pa tayong nakikitang malaking isda na natetepok.

Ayon pa sa artikulo sa AsiaWeek, pinakaunang bansa sa Asya ang Pilipinas na nag-abolish sa parusang kamatayan, at isa sa iilang nagbalik nito. Ngunit isa raw katanungan kung mayroon na ba tayong sapat na “judicial maturity” upang mangasiwa sa mga pagpapasyang may kaugnayan sa buhay at kamatayan.

Wala pang pag-aaral na nakapagpapatunay na ang parusang kamatayan ay nakakapigil sa mga krimen. Sabi nga ng Gabriela Women’s Party, noong 1994, isang taon matapos muling ibalik ang bitay, tinatayang anim na mga babae at bata ang ginagahasa sa bawat araw. Noong 1998, tumaas ito sa walo bawat araw, at muling tumaas sa 12 noong isang taon.

Sa kabila ng lahat ng ito, bakit hindi pa i-repeal ang batas na nagpapahintulot sa parusang bitay?


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center