Kagabi, namangha kami nina Mhay, George, at Tim sa kakaibang palabas ng mga sirkerong Tsino sa huling gabi ng Amazing World of Lights and Lanterns sa Cultural Center of the Philippines grounds.

Amazing talaga! Para kaming nasa Disneyland (hindi naman sa atat akong makapunta roon) dahil sa napakakulay na sari-saring mga mala-gusaling “lanterns.” Masyadong kumplikado ang mga ito para mailarawan ko kaya’t heto na lang ang artikulo tungkol dito mula sa pahayagang Malaya.

Bukod sa iba’t ibang kulay ng liwanag na silag sa mga “lanterns,” napahanga ako ng mga sirkero. Saan ka ba naman nakakita ng 12-taong batang babae na kayang bali-baliin (contort ba ang tawag dun?) ang kanyang katawan? Kaya niyang tumayo nang pabaligtad at maglagay pa ng mga ilawan sa kanyang mga paa, kamay, at noo habang nakatiwarik.

O kaya’y sumirko nang sumirko na parang bola. O kaya’y mag-jumping rope habang nakatungtong sa isang flat na kahoy na nasa ibabaw ang gumugulong na maikling tubo?

‘Yung isa naman, pumatong nang patiwarik sa isang upuan at pinagulong at pinaikot sa itaas sa pamamagitan ng kanyang mga paa ang isang napakalaking paso na mahigit sa 100 kilos daw ang timbang. Tawang tawa kami nang ipasok sa loob ng paso ang isang volunteer mula sa audience, at pagkatapos ay muling pinaikot ito ng babae sa kanyang mga paa habang may nakasakay pang isang binatilyo sa ibabaw ng paso.

Amazing talaga!