Pag-asa ng bayan?

Sa tuwing sasapit ang simula ng pasukan, natututok sa mga kabataang mag-aaral ang atensiyon ng lipunan. Kasabay ng paulit-ulit na pagpasok sa paaralan at pag-atend ng mga klase, muli at muli ring naririnig ang mga katagang “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Para itong sirang plakang nagpipilit magbulong ng isang lihim na mensahe sa atin.

Ngunit sa gitna ng kalagayang ito ng ating bansa, may saysay pa ba ang tinurang iyan ni Dr. Jose Rizal?

Bagamat masasabing sanay na tayo sa paghihirap, mas matindi ang hagupit nito ngayon. Sa panay-panay na pagtaas ng langis, sumusunod ang pamasahe, ang bayad sa kuryente, at ang presyo ng bilihin sa pangkalahatan. Samantalang bumubulusok ang tunay na halaga ng piso, katiting na dagdag sa suweldo lamang ang ipinatikim sa mga manggagawang magulang ng mga mag-aaral.

Hindi lamang krisis sa pangkalagayang ekonomiya ng mga mamamayan ang umiiral. Pati krisis sa pulitika ay tumitindi. Niyayanig ng mga eskandalo ang mismong pinakamataas na pamunuan ng bansa. Hindi maiwasan ng Pangulo at ng kanyang pamilya ang mga akusasyon na nag-uugnay sa kanila sa ilegal na sugal na jueteng.

Ang patuloy na pagbagsak ng popularidad ng mga lider ay dala marahil ng isa pang krisis: ang krisis naman sa dimensyong moral. Anong halimbawa ng pamantayang moral ang makikita ng mga kabataan kung mismong ang mga lider ay nagsisinungaling? Paano ang iaangat ang moralidad ng bansa kung ang mga opisyal nito ay patuloy na kumakapit sa bulok na tradisyon ng padrinuhan?na nagbubunsod ng katiwalian?

Samantala, ang edukasyon ay patuloy na nagiging komersyalisado. Nagsusulputan ang mga paaralang ang layunin ay kumita lamang at walang pakialam sa kalidad ng edukasyong inilalako nila.

Kasabay nito ang lalong pamamayagpag ng midyang naghahatid ng pagkalibang sa halip na kaalaman. At dahil galing dito ang binhing naitatanim sa murang isip ng mga kabataan, hindi kataka-takang ang pambansang pangarap ng mga kabataan ngayon ay ang maging artista.

Sa halip na mag-aral, pumasok na lamang sa showbiz. At kapag artista ka na, maaari kang pumasok sa pulitika. At kapag naroon na, ansaya-saya! Konting pasikat, konting bola, konti sayaw, konting ngiti at kindat, maaari ka nang maging senador o kahit presidente man. Magkunwari ring progresibo at makamasa para makatiyak na kakagatin ka. Pagdating sa itaas, ilagay sa puwesto ang mga kakilala at kabarkada ng asawa. At magsinungaling habang nagpapakasasa.

Samantala, walang ipinagbabago ang sitwasyon ng karaniwang tao. At mula sa kanilang hanay, uusbong at susugod sa audition ang panibagong “pag-asa ng bayan.”

Huwag sanang tuluyang maging ganyan ang kuwento ng ating mga “pag-asa ng bayan.”

Leave a Reply