Kawalanghiyaan ang mawili sa naganap kanina sa Philippine Sports Arena o ULTRA, na pagdarausan sana ng unang anibersaryo ng Wowowee ABS-CBN. Mahigit 70 katao–karamihan ay nakatatandang mga kababaihan–ang namatay nang maganap ang isang stampede.

At mabuti naman, kung may nawiwili man, kaunti lamang: yaong sadyang masayahi’t nakagagawa ng akala nila’y nakatatawang text messages habang ang marami’y nagluluksa.

Nagtipun-tipon doon nang ilang araw ang marami nating kababayan–20 libo katao, ayon sa pagtataya ng ABS-CBN–sa pagbabakasakali maambunan sila ng suwerteng ipinamimigay ng mga sponsor ng programa ni Willie Revillame. Ngunit sino ang mag-aakalang sa halip na grasya ay kamatayan o sakit ng katawan ang aabutin nang marami sa kanila?

Nakapanlulumo. Hindi nakakawili.

At kahit sang-ayon ako sa mga sinabi kahapon ng paborito kong si Sharon Cuneta na ito raw ang panahon upang magtulungan, hindi magsisihan at magpataasan ng ihi, hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko na magngitngit sa isiping habang libu-libo nating kababayan ang desperado’t umaasa sa himala, may iilang mapapalad na kongresistang kumita sa komisyon sa abono’t naambunan ng narekober at muling ninakaw na nakaw na yaman ng pamilyang Marcos; o may mga hacienderang ibubuyangyang ang karangyaan sa madla; o may mga lider na dapat sana’y nagtatrabaho upang maiahon sa kahirapan ang mga kababayan, ngunit iba ang tinatrabaho.

At sa likod ng isipan ko, patuloy pa ring tumutugtog ang ring tone na “Hello Garci.”


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center