Marvin Agustin and Nikki Gil in The Red ShoesNanood kami kagabi ni Myla ng pelikulang “The Red Shoes” nina Marvin Agustin at Nikki Gil. Mala-special screening pa nga dahil kaunti lang kami sa sinehan. Sayang at tila marami ang naka-miss sa isang magandang pelikula.

Isinasalaysay ng “The Red Shoes” ang kuwento ni Lucas (Marvin Agustin), na noong 10 taong gulang pa lamang ay nagnakaw ng isang pares ng pulang sapatos mula sa koleksyon ni Imelda Marcos. Sa pagtatapos ng EDSA People Power Revolution, napasama ang bata sa grupo ng mga mamamayang pumasok sa Malakanyang pagkatapos tumakas ng pamilya ng diktador. Ibinigay ni Lucas ang tig-isang sapatos sa dalawang babaeng pinakamahalaga sa kanya: ang kanyang inang si Chat (Liza Lorena) at ang kanyang kasintahang si Bettina (Nikki Gil). Mga sapatos din ang magiging saksi sa relasyon nila ng kanyang ina nang mawala sa kanilang buhay ang kanyang ama dahil sa trahedya ng Film Center ni Imelda, at sa pagharap nila ni Bettina sa mga problema sa kanilang mala-langit at lupang ugnayan.

Kahit ang isang bahagi ng istorya ay naganap sa isang mahalagang yugto ng kasaysayan ng ating bansa at kahit malaki ang papel ng mga sapatos ng dating Unang Ginang sa kwento, ang “The Red Shoes” ay tungkol talaga sa buhay at pag-ibig ni Lucas. Sa kabila nito, hitik ang pelikula sa mga references sa kasaysayan at lipunang Pilipino. Hindi nitong inisnab ang mga isyung gaya ng katarungan, katiwalian sa gobyerno, at pananatili sa bansa. Naroon ang kuwento ng mga tsinelas ni Gat Jose Rizal na ipinaanod sa ilog, ang pag-aalay ni Ninoy at ng mga kabataan ng buhay sa paglaban sa diktaturyang Marcos, ang kakarampot na sahod ng mga empleyado, at ang diskusyon tungkol sa pagiging sobrang mapagpatawad ng mga Pilipino. Sa pagde-date nina Lucas at Bettina sa putol na tulay, ang imahe ng tulay ay ginamit di lamang sa pagtalakay sa tibay o pagiging marupok ng relasyon, kundi pati na rin sa pondong nakurakot ng mga opisyal.

Kakaiba ang “The Red Shoes” sa ibang mga pelikulang Pinoy. Mahusay na hinabi ang kwento nito at may mga pangyayaring ikagugulat ng mga manonood. Suwabeng naipasok sa love story ang social commentary. Hindi rin tipikal ang cinematography. Convincing naman, sa tingin ko, ang acting ng mga tauhan.

Mayroon din itong iba’t ibang sangkap na hinahanap ng mga manonood. Bukod sa pag-ibig, mayroon din itong mga katawa-tawang eksenang dala ni Tessie Tomas, na gumanap bilang isang espiritistang artista sa teatro na tagahanga ni Imelda. May sandaling horror sa eksena ni Tirso Cruz III, na gumanap na tatay ni Lucas. At may konting-konti lang na sex.

Bukod sa mga nabanggit nang artista, kasama rin sa cast sina Tetchie Agbayani bilang nanay ni Bettina at Iwa Moto bilang karengkeng na katrabaho ni Bettina.

Sa pangkalahatan, di nakapanghihinayang na panoorin ang “The Red Shoes.” Isa lamang ang puna ko sa pelikula: hanggang sa huli ay di ito bumigay sa tukso ng mainstream at commercial na pressure. Sana, pinagbigyan din nila ang mga feeling romantikong tulad ko.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center