Pinaikling bersyon ng talumpating binigkas sa ika-38 palatuntunan ng pagtatapos sa Ipil National High School, Santa Cruz, Marinduque noong Marso 18, 2013.

Sa ating mother supervisor, Ma. Shiela Saet; sa ating principal, Mr. Lino Penaredonda; kay Ninang Delia Ricamara; kay Mrs. Angie Portento Padilla at sa nariritong school heads ng ibang national high schools; mga minamahal nating guro ng Ipil National High School at Ipil Elementary Schoool; sa ating barangay captain at sa kanyang konseho; PTCA officials; mga magulang; mga kaibigan; at higit sa lahat, sa mga magsisipagtapos: isang pinagpalang umaga sa inyong lahat!

Parang kailan lang, kami ng mga ka-batch ko ang nasa inyong lugar at naghihintay na mapagtibay ang aming pagtatapos. Siyempre, masaya dahil sa wakas, natapos ang isang yugto ng aming pagsisikap at maipagmamalaki ng aming mga magulang na nairaos na kami nila sa high school. Pero gaya ng lahat ng pagtatapos, may bahid din ng lungkot dahil maaaring magkahiwalay na kami ng aming mga kaibigan, mami-miss ang mga crush na ‘di na masisilayan — aminin n’yo, kayo rin — at siyempre, ang masasayang sandali kasama ang mga mahal nating guro. Patok sa batch namin ang mga life and love advice ni Ma’am Nancy De Luna-De los Santos. Sa kaso ko, siyempre’y na-miss ko ang laging pagkonsulta kay Ninang Delia at ang reviews namin ni Ma’am Jocelyn Rey para sa Math Olympiad. Pero talagang lumilipas ang panahon, at ngayo’y nagbabalik ako bilang isang senting alumnus.

Nung tinanggap ko ang paanyayang magsalita sa inyong pagtatapos, tinanong ko ang aking kasintahan kung ano sa palagay niya ang magandang ibahagi ko sa inyo. Iminungkahi niyang banggitin ko ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon, lalo na ang ligaya at ang mga benepisyong kaakibat nito. Tama siya. Masayang magpatuloy sa pag-aaral dahil hindi natutuyo ang balon ng karunungan at laging may mga bagong kaalaman na maaari nating tuklasin. May pakinabang ang ibayong edukasyon. Binubuksan nito ang napakaraming pintuan — pati nga rin bintana — ng mga oportunidad. Maaari nitong baguhin ang ating buhay at ihatid tayo sa ating mga pangarap. Kung hindi dahil sa edukasyon, marahil ay wala ako sa harapan ninyo ngay-on. Baka ako’y nagapailiiliod laang dyan sa tabi-tabi.

Kaya nga maging ang ating pamahalaan ay nagsisikap na pagbutihin pa ang edukasyong ipinagkakaloob sa kabataang Pilipino. Ipinatutupad ngayon ng gobyerno ang K to 12 system sa paniniwalang ihahanda nito ang mga kabataan upang mula sa inyong hanay ay umusbong ang mga lider para sa bagong henerasyon.

Sabi ni Pangulong Noynoy Aquino:

“Naninindigan pa rin po tayo sa ipinangako nating pagbabago sa edukasyon: ang gawin itong sentral na estratehiya sa pamumuhunan sa pinakamahalaga nating yaman: ang mamamayang Pilipino. Sa K to 12, tiwala tayong mabibigyang-lakas si Juan dela Cruz upang mapaunlad — hindi lamang ang kanyang sarili at pamilya — kundi maging ang buong bansa.”

Sa ilalim ng bagong sistema, magiging 12 taon na ang basic education sa bansa: anim sa elementary, apat sa junior high school, at dalawa sa senior high school. Siyempre, kapag may mga pagbabago, normal na tayo’y manibago. Maliban sa mga may punto namang pag-aalinlangan sa kahandaan ng gobyerno sa bagong sistema, inirereklamo rin ng ilan ang karagdagang mga taon. Kandakuba na ngani ang mga nanay at tatay natin sa pagpapaaral sa atin, aba’y mas lalo pang matagal. Ay yano naman.

Ang sagot ng gobyerno, ang Pilipinas daw ang huling bansa sa Asya at isa sa tatlo na lamang sa mundo na 10 years laang ang kailangan bago makapasok sa unibersidad.

Ayon pa sa pamahalaan, sa senior high school, ang mga subject na kukunin ng isang estudyante ay ayon na sa career path na gusto niya. At  kapag natapos ng isang estudyante ang senior high school, sapat na ito para siya ay makapagtrabaho. By that time, OK na ang kanyang skills para makapasok sa industriyang pinili niya. ‘Yung iba naman,  pwede pang magtuloy sa unibersidad, at ang iba kung gusto at may kakayanan, maaaring magnegosyo.

Sa K to 12, ginagamit ang mother tongue o ng taal na wika — ‘yung salitang kinalakhan ng isang bata: sa kaso natin, itong Tagalog na ginagamit sa atin dito sa Marinduque. Tama laang naman, kasi kaya tayo nag-aaral ay para matuto. Eh, paano tayo matututo kung ang wikang gagamitin natin sa pag-aaral, kailangan pa rin nating aralin? Under K to 12,  inaasahang sa Grade 1 ay makapagbabasa na ang isang bata gamit ang kanyang mother tongue.

Bago pa lang ang K to 12. Magandang pag-aralan at unawain natin ang sistemang ito at tumulong na ipaliwanag ito sa mga magulang at mga kapatid natin.

Samantala, nais kong gamitin ang pagkakataong ito para makapagbahagi na rin ng ilang aral sa buhay na natutunan ko sa may 18 na rin palang nakalipas mula nang magtapos ako rito sa Ipil National High School.

Huwag bumitaw sa pananampalataya sa Diyos. Pagtungtong natin sa kolehiyo, mai-expose tayo sa iba’t ibang ideya. Lalawak ang ating isipan, ngunit ‘di dapat manghina ang ating pananampalataya dahil ito ang nagsisilbing lakas na bumubuhay sa atin. Sa UP, iba’t iba ang mga tao. Maraming magagaling. May ilang hindi naniniwala sa Diyos. Pero nung first year ako, lalong tumibay ang pananampalataya ko nang minsang makita ko sa simbahan ‘yung isa sa pinakamahuhusay na professor ko na nakaluhod at nagdarasal. Isang matalinong taong maraming alam na ‘di mo aakalaing mananampalataya, pero nanatili palang tapat sa Panginoon sa kabila ng marami niyang natamong karunungan at karanasan.

Kaugnay nito, manatiling mapagpakumbaba. Huwag isipin kahit kailan na dahil sa galing mo, sa narating mo, sa dami ng kwarta mo, sa hitsura mo (maigi laang at wala ako nito), o sa dami ng nakakakilala sa ‘yo, ay espesyal ka na at angat sa ibang tao. Huwag maging mayabang. Hindi ka espesyal. Isa ka lang nilalang ng Diyos. Isa ka lang maliit na tuldok ng buhay sa sangkalawakan. May kuwento tungkol sa bagong Santo Papa, si Pope Francis. Matapos na mapili siyang bagong Santo Papa, tinanggihan niya ang espesyal na sasakyan at sumabay sa mga kardinal. Siya rin ang personal na nagbayad ng bill niya sa hotel na tinirhan niya bago siya mapili.

Sabi ng paborito kong kanta sa simbahan, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.” May pananagutan tayo sa ating bayan at sa ating kapwa. Sabi nga ni Mayor Joseph Santiago sa palabas naming “Bayan Ko” sa GMA News TV 11, ang problema mo, problema nating lahat. Hindi masamang makisangkot. Sa trabaho, mayroon kaming proyektong YouScoop, kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang mga manonood na ‘di lamang makisali sa pagbabalita, kundi magpakita rin ng mga napupuna nila sa lipunan. Mahalagang  tingnan natin ang epekto sa bansa ng mga ginagawa natin. Ipaalala natin sa ating mga magulang na ang desisyon nila, halimbawa, sa darating na eleksyon, Dapat Tama.

Speaking of mga magulang, pahalagahan sila habang sila’y narito pa. Minsa’y nag-comment ako sa blog ni KC Concepcion, anak ni Sharon Cuneta,  nang mag-post siya tugkol sa reunion nila ni Gabby Concepcion. Kako, ang parents ay parang promo: offer is good while supplies last. Maaga akong nabawasan ng supply. Nawala si Papa noong baby pa ako. Binawi ni Lord si Mama sa isang aksidente sa dagat bago ako magkolehiyo. Pero nakarating pa rin sa akin ang dala niyang application sa scholarship na nagpaaral sa akin sa UP. Patapos na ako nang kunin din ang lolo ko. Pero tinirhan pa rin ako ni Lord ng supply: naito pa ang lola ko, si Nanay Diding, at nadadalaw-dalaw ko pa siya. Sana ipagkaloob ng Diyos na matagal ko pa siyang makasama.

Hindi permanente ang mga relasyon, lalo sa sa maagang kabataan. Sa buhay, may ilang kai-biga’t kaibigan kang kasama mo ngayon, pero posibleng layasan ka bukas. Balang araw, tatanungin mo ng iyong sarili: bakit ngani baga ako dead na dead sa kanya? Wala kang maisasagot, at mapapatawa ka na laang.

Magbasa. Mula pa noong bata ako, lahat ng babasahin, pinapatulan ko: komiks, libro, magazine, diyaryo, websites, songhits, at pati polyeto ng iba’t ibang relihyon. Sa pagbabasa, marami kang malalaman. Para ka na ring nakarating sa maraming lugar. At kapag kaya na ng powers ninyo, maglakbay. Nakakapagod, pero nakapagpapayaman ng karanasan ang pagbiyahe sa iba’t ibang lugar.

Sa buhay, darating ang kasawian at mga pagkakamali. Gawin itong hamon para patuloy na lumaban sa buhay. Sobrang sakit nang mawala si Mama. May mga pagkakataon sa dorm  noon na napapaiyak na laang ako kapag nakikita ‘yung ibang estudyante na binibisita ng mga pamilya nila. Pero iniiyak ko na laang. Dahil kung sumuko ako, sabi ko ngani ay baka nagapailiiliod laang ako ngay-on. Ganyan din sa mga pagkakamali. Kapag naitama ito, pwedeng maging tungtungan sa lalong pag-abot ng mga pangarap.

Panghuli: Mangarap ka. Pamagat din ‘yan ng pelikula nina Kapusong Mark Anthony Fernandez at Claudine Barretto na pinanood ko ang shooting sa UP noong freshman ako. Hindi ko itinitigil ang mangarap. Libre naman, saka ang mahalaga, ‘yung wala kang inasagasaan. At kapag nangangarap ako, inataasan ko na. Para kung bumagsak man ako, medyo mataas-taas pa rin ang bagsak. 

Maraming salamat po at congratulations ulit sa Batch 2013 ng Ipil National High School.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts

Privacy Preference Center