Nakatikim ng sermon mula sa mga senador si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margarita Juico sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa isyu ng pagtanggap ng ilang obispong Katoliko ng mga sasakyan mula sa PCSO noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi kasi maipaliwanag ni Juico kung bakit tinawag ng media na “Pajero bishops” ang mga obispong nasangkot sa kontrobersiya, gayong wala naman daw sa kanilang nakatanggap ng Pajero.

Ayon sa ulat ng Commission on Audit, umabot sa P6.9 milyon ang kabuuang halaga ng pondo ng PCSO na ipinagkaloob sa Simbahang Katoliko para ibili ng mga sasakyan para sa mga diyoseses ng Cotabato, Zamboanga, Basilan, Butuan, at sa Caritas Nueva Segovia. Ang mga sasakyang natanggap daw ng mga obispo ay Nissan Pathfinder, Mitsubishi Strada, Toyota Grand Hiace, Mitsubushi Strada pickup, Toyota Hiace Grandia, Mitsubishi Montero, at Isuzu Crosswind.

Sa limitadong pagkakaalam ko sa mga sasakyan, ang Mitsubishi Montero ay kamag-anak ng Mitsubishi Pajero, at sa ibang bansa, may kakabit pa ring Pajero ang pangalan ng Montero. Di kaya sa isang Montero galing ang bansag na “Pajero bishops”?

Para sa mga senador, walang ilegal sa pagbibigay ng sasakyan ng PCSO sa mga obispo. Ginamit naman daw nila ang mga ito hindi para sa sarili kundi sa kanilang mga gawaing pangkawang-gawa. Ayon pa kay Senador Miriam Santiago, mukhang tinrabaho ng isang PR man ang pagpapaputok ng “Pajero bishops” controversy para pagtakpan ang mas malaking eskandalo ng maling paggamit ng pondo sa PCSO at sa Philippine Amusement and Gaming Corporation. (Sa tingin ko, unti-unti na ring nabibisto ang mas malaking katiwalian na binabanggit ng senadora.)

Pero nakatanggap man o hindi ng Pajero ang mga obispo, legal man ito o hindi, dapat ding isaalang-alang ang konteksto – ang panahon at pagkakataon – sa pagsusuri kung katanggap-tanggap ang ginawa nilang pagtanggap ng pondo mula sa PCSO, isang opisina sa ilalim ng noo’y presidenteng si Arroyo. Kabi-kabila ang kontrobersiya at bintang ng katiwalian laban kay Arroyo noon, at ilang ulit na nanlumo ang mga kritiko ni Arroyo nang manatiling playing safe ang mga obispo gitna ng mga panawagan ng pagbibitiw at pag-impeach sa kanya.

Hindi maiiwasang isipin ng mga tao na maaaring kakabit ng mga donasyong ito ang kanilang katapatan at tahimik na suporta sa dating pangulo sa kabila ng umano’y pangungurakot at pandaraya, lalo na kung ganito ang mababasa nila: “I hope you will never fail to give a brand new car which would serve as your birthday gift to me.” Galing yan sa sulat ni Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos sa noo’y pangulo. “Be assured of my constant support and sincerest prayers to your Excellency,” ang pagtatapos niya. Ngayon, para na siyang tagapagsalita ni Arroyo kung makabanat kay Pangulong Aquino.

Sigurado ako, hindi ganito ang ini-expect natin sa ating mga obispo.

(Pinoy Gazette, Hulyo 24, 2011)