Maling-mali na pagkakitaan ang pang-iinsulto at panlalait sa kapwa-tao, lalo na sa mga wala namang ginawang masama sa iyo. At maling-mali rin na gawing biro ang karahasan laban sa mga kababaihan.

Sa kanyang concert sa Araneta Coliseum noong Mayo 17, ginawang katatawanan ng komedyanteng si Vice Ganda ang timbang ng respetadong mamamahayag na si Jessica Soho. Biro ni Vice, kung naging bold star at magkakaroon daw ng rape scene si Ms Soho, dapat daw ay laging gang rape ang eksena.

Matapos ang halos dalawang linggo, lumabas sa radyo at sa social media ang reaksyon ng mga kasamahan ni Ms Soho sa mga biro ng komedyante. Malamang ay hindi sila nanood ng concert, kaya nalaman lang nila ang tungkol sa pambabalahura kay Ms Soho nang ma-upload na YouTube ang mga bahagi ng concert.

Ilang araw ring naging mainit na usapin sa bansa ang hindi nakakatuwang mga biro ni Vice Ganda. Ang sentimyento ng mga tao — kabilang ang ilang dating tagahanga ng komedyante — hindi tamang bastusin ang isang taong iginagalang ng marami.

Si Ms Soho ay host ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” anchor ng “State of the Nation with Jessica Soho,” at Vice President for News Programs of GMA Network. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas, at nakatanggap na ng sari-saring parangal kabilang ang George Foster Peabody Award. Ilang beses na rin siyang kinilala bilang most trusted news personality sa bansa.

Sa kanyang concert, may bold star jokes din si Vice tungkol kina Kris Aquino, Boy Abunda, at Willie Revillame — mga kasamahan niya sa ABS-CBN. Ang tanong, kaibigan ba niya si Ms Soho para gawin niyang paksa ng nakakainsultong mga biro niya?

Bandang huli, nagsalita si Vice sa kanyang palabas na “It’s Showtime.” Kung hindi raw magandang biro ‘yun at kung nasaktan niya si Ms Soho, humihingi raw siya ng paumanhin. Sana raw ay tapusin na ang isyu. At para sa mga ‘di raw nakakaunawa sa kanya, ganito ang sabi ni Vice: “Kung hindi n’yo ako nauunawaan ako ang uunawa sa inyo.”

Nang sumunod na Linggo, sa kanyang palabas, isang may katabaang babaeng bahagi ng studio audience na kausap ni Vice Ganda. May mga hirit siya sa babae na wari’y naging dahilan para maniwala ang ilan na para kay Vice, hindi pa tapos ang isyu. Hindi rin maiwasang pagdudahan ng iba ang sinseridad ng kanyang apology.

Samantala, para kay Gabriela Rep. Luz Ilagan, matapos ang paghingi ng paumanhin ni Vice Ganda, “lahat ay may dapat matutunan.” Aniya, “hindi biro ang karahasan lalo ang kulturang nakikita ito bilang katatawanan.”

Ang biro, dapat nakakatawa, hindi nakakasakit. Dapat nang ihinto ang pagtaguyod sa mga birong tiwali. Ang mga bisyong maling-mali, kailangan na ring iwaksi.

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette noong Hunyo 24, 2013)