Parang unang post, ‘di ba?

Hindi na ako magkukunwaring back-to-blogging post ito. Baka kasi sa isang buwan na naman masundan ang post na ito. Napadaan lang ako dahil nitong mga nakalipas na araw ay may mga pagkakataong naiisip itong blog ko, ang Tinig.com, ang iba pang mga gawain ko noon online.

Naaalala ko ang mga dating mambabasa, ang mga naging cyberfriends, at ang masayang pamayanan ng blogging bago mapuno ng Google Adsense ang ating mga pahina at kunin ng Facebook at Twitter ang malaking bahagi ng mga araw natin.

Naaalala ko ang blogging noong panahong ito’y parang personal journal na talaan ng mga nangyari sa nagdaang mga araw kung saan nahuhulma’t ginagawang mga salita ang mga mapagpalayang buntung-hininga.

Nangungumusta lang ako’t nagbabakasakaling nariyan pa kayo. Nakaka-miss din minsan ang kuwentuhan. ‘Yung parang close tayo kahit sa una’y ‘di n’yo ko kilala’t ‘di ko rin naman kayo kilala.

Wala namang major major changes sa buhay ko ngayong taon, liban sa pagpapalit ng trabaho. Naalala n’yo pa ‘yung isang post ko noong nasa Singapore ako? Ikinuwento ko riyan ang training ko bilang bagong search editor sa Yahoo! Philippines. Pagkalipas nang mahigit tatlong taon, dahil sa mga pagbabago sa Yahoo! sa buong daigdig ay kinailangan kong umalis doon. ‘Di ko na nga madalas masuot ngayon ang sangkaterbang purple shirts ko.

Nagpahinga ako nang sandali at pagkatapos ay bumalik sa Kapuso Network. Sabi ko nga, I’m back where I belong. Naaalala ko tuloy ‘yung lumang theme song ng istasyon: “It’s a good feeling to know where you belong / It’s a good, good feeling, to know where your friends are…”

Simula noong huling bahagi ng Setyembre, social media manager na ako sa GMA Network. Ang team ko ang humahawak sa Twitter at Facebook ng GMA News. Sana i-follow at i-like n’yo kami, at panoorin ang videos namin sa YouTube, lalo na ‘yung mga na-miss n’yo sa TV. Kung may balita kayo, huwag mag-atubiling ipadala sa YouScoop.

Ilang buwan na rin akong ‘di umuuwi sa Marinduque. Noong birthday pa ni Nanay Diding ‘yung last na uwi ko. Sana’y makalusot ako ngayong Pasko o Bagong Taon kung ipahihintulot ng pagkakataon.

Ang UP naman, paminsan-minsa’y napapasyalan ko pa rin kahit dalawang sakay ang layo sa bahay. Baka sa susunod na linggo, makapunta na naman ako sa pamantasang hirang.

Kayo? Kumusta na kayo?

Siyanga pala, ‘yang lalaki sa larawan sa taas ay hindi si Lee Min Ho — na narito sa Pilipinas ngayon para sa Bench. Ako lang ‘yan sa isa sa mga biyahe namin ni M. Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol diyan sa mga darating na araw.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center