Kamakailan ay isang liham ang ipinadala ko sa mga kaibigan kong netizens–o citizens of the Internet: ‘yung mga gaya kong araw at gabi ay nakababad sa harap ng computer at connected sa Internet dahil sa trabaho, o dahil nakahiligan lamang.

Ang sulat ay naglalaman ng panawagang sa pamamagitan ng Internet ay tulungan sana natin ang isang Pilipinong batang may dagliang pangangailangang maoperahan at mapalitan ang atay. Mahigit tatlong milyong piso ang kailangan ng kanyang mga magulang, at naisip kong sa dinami-rami ng Pilipinong konektado sa Internet, posible tayong makatulong na malikom ang perang kainakailangan sa pamamagitan ng pagpapasa o pagpapaalam ng impormasyon sa iba.

Hayaan ninyong ibahagi ko rin sa inyo ang liham:

Mga kapwa ko netizens at bloggers,

Sa ilang pagkakataon, naipakita na ng mga Pilipinong netizen, lalo na ng mga blogger, ang mabisang paggamit ng teknolohiya ng Internet upang maisulong ang ilang mga layunin:

– noong isagawa ng PLDT.com noong 2000 ang pinakaunang cyber-rally sa Pilipinas upang ipahayag ang pagkasuklam sa rehimeng Estrada;

– noong maitayo ang Blogger Power laban sa isang plagiarist na kung tawagin ay ?Keiko?;

– noong makiisa ang mahigit dalawang daang kabataang Filipino netizen sa anti-war campaign ng Filipino Youth for Peace;

– noong maitayo at unti-unting lumawak ang Pinoyblog.com;

– nang maisagawa ang una at mga sumunod na iBlog summit;

– noong kumalat ang ?Hello Garci? CDs at ring tones dahil sa PCIJ blog, TXTPower, at Indymedia;

– at kamakailan, nang matagumpay na maisagawa ang Pekeng Pangulo Googlebomb campaign.

Maaaring hindi tayong lahat ay nagkakaisa o sumasang-ayon sa layunin ng mga nasabing gawain at kampanya, tiyak na magkakasundo tayong ang mga iyan ay mahusay na pagsasalarawan ng kapangyarihan ng pagkakaisa sa Internet.

Sa cyberspace, may nakilala akong isang inang naniniwala sa kapangyarihang ito.

Si Sally Sultan, nanay ng dalawang taong gulang na batang si Muhammad Jamail ?MJ? Sultan na may sakit sa atay, ay nananalig na may mga estrangherong makakaalam sa kalagayan ng kanyang anak at di-mag-aatubiling tumulong.

Kailangan ng batang sumailalim sa liver transplant na nagkakahalaga ng may tatlong milyong piso. Halos kalahati pa lamang ng halagang ito ang nalilikom ng kanyang mga magulang, kaya?t nagtayo ang kanyang mga magulang ng website upang manghingi ng donasyon para sa operasyon ni MJ. Ang website ay nasa http://jamailsultan.sanktuaryo.com.

Kanina?y kausap ko si Sally sa Yahoo Messenger. Gumawa kami ng Xoom payment buttons na ididikit nila sa website ni MJ para mapadali ang pagbibigay ng tulong sa bata.

Noong isang taon, nagsulat na ako sa ederic@cyberspace tungkol sa panawagan ng nanay ni MJ. Lumabas na rin sa INQ7, Viloria.com ) at Piercing Pens ang kanilang kuwento.

Sa tingin ko, mas malaki ang maitutulong natin kung magsasama-sama ang mga Pilipinong bloggers na maiparating sa mundo ang panawagan ng mga magulang ni MJ. Umaasa si Sally, isang netizen, na di siya bibiguin ng mga kagaya nating palagiang tambay sa cyberspace.

Ano kaya ang puwede pa nating gawin para sa kanila?

Sumasainyo,

Ederic Eder ng Tinig.com at ederic@cyberspace