Linggo nang hapon. Universe Cafe, Glorietta 4, Makati City. Sino ang nagsabing hindi ako pupumunta sa sentro ng commercialismo na siya ring playground ng mga elite at elitista sa Makati? Maganda ang temperatura rito, kumpara sa labas. Damang dama mo ang artificial na kaginhawahan, ang panandaliang pagkalibang.

Siyempre, sa kabila ng nagsusumidhing materialismo sa pook na ito, may mga pagkakaibigan din namang nabubuo at lumalago. Gaya ngayon, naghihintay ako ng senyal mula sa isang kaibigan–pamangkin siya ng kabigan ng Tiya ko sa ibayong dagat. May ilang panahon na kaming nagti-text at nagkasundong magkita habang narito siya sa Kamaynilaan. Gusto naming sabay na mag-enroll sa pag-aaral ng wikang Aleman na magagamit namin sakaling makarating kami roon.

Hmmm, nasaan na kaya siya?

Siyanga pala, nakauwi na raw si Collin Powell.