Photo from rottentomatoes.com | Image hosting by Photobucket - Video and Image Hosting Pinanood ko noong isang gabi ang binili kong DVD ng isang lumang pelikula ni Leonardo DiCaprio, ang This Boy’s Life. Hango sa tunay na buhay, tungkol ito kay Tobias, isang binatilyong pinagmamalupitan ng kanyang amain. Sa kuwentong ito, makikita kung paanong ang pagtakas nina Tobias sa abusadong boyfriend ng kanyang ina ay humantong sa pagpapakasal ng huli sa isang lasenggong lalaking may mga anak na rin.

Habang pinapanood ko ang This Boy’s Life, bagamat kakaiba’y di ko maiwasang maalala ang kuwento namin ni Mama. Pitong buwan pa lamang ako nang pumanaw ang aking ama. Iniuwi ako ni Mama sa Marinduque, at doon ako pinalaki sa tulong nina Tatay at Nanay (lolo at lola ko). Dahil maagang nabiyuda, may mga sumubok manligaw kay Mama. Pero malas lang nila, pagka’t ako ang numero unong kontrabida. Ayokong muling mag-asawa si Mama.

Ang pinakanatandaan kong nanligaw sa kanya ay isang matandang payat. Kahit damatans na, magaling ang style ng lolo. Ako ang una niyang pinuntirya. Minsan, nilapitan ako ng matanda at ipinakita ang isang game and watch. At dahil ayoko sa kanya, kako’y huwag na lang. Sawa na kako ako sa mga Game & Watch dahil binibigyan ako ng mga tiya ko ng ganoon. Pero kung alam lang niyang gustung-gusto ko talagang magkaroon ng laruang iyon, at kahit matagal na akong humiling sa mga tiyo at tiya ko, hindi pa rin nila ako binibigyan.

Minsan naman, nagkasakit ang Mama ko. Nagpadala siya ng mga prutas at gatas. Nagmarakulyo ako at ipinilit na ipasoli ang mga padala ng matandang manliligaw.

Siguro’y selfish lang ako noon dala ng pagiging bata. Kung sa panahong may muwang na ako nangyari ang ganoon, baka mas maiintindihan ko. Pero nagpapasalamat na rin ako sa Mama ko dahil mas pinili niyang di na muling mag-asawa. Hanggang sa kanyang mga huling sandali, ang kapakanan ko ang kanyang iniisip. Pumanaw siyang hawak ang mga papeles na makatutulong na matustusan ang pag-aaral ko sa Unibersidad.

Kaya’t kahit tulad ni Toby ng This Boy’s Life ay natupad ang pangarap kong makapasok sa isang magandang pamantasan, mas mapalad pa rin ako kaysa sa kanya.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center