Minsan lang ako nabiktima ng tear gas sa rally.

Noong nasa kolehiyo ako, nag-cover ako para sa Philippine Collegian ng isa sa malalaking rally ng mga estudyante laban sa US-RP Visiting Forces Agreement (VFA). Mula UP Diliman, sumugod ang mga kapwa ko Iskolar ng Bayan sa US Embassy sa Maynila upang ipahayag pagtutol sa VFA na noo’y mariing isinusulong ng administrasyong Estrada.

Mula sa iba’t ibang kanto, nagsulputan din ang mga bulto ng mga nagpoprotesta mula naman sa iba’t ibang paaralan.

Maya-maya’y nagkainitan, at naramdaman ko na lang ang init at hapdi sa aking mga mata. Nadale na pala kami ng tear gas.

Masakit ma-tear gas. Maluluha ka talaga. At magagalit ka.

Nagalit ako nang makita kong may sugat sa noo si Rose, isa sa mga organisador ng mga estudyante sa UP noon. Pinalo ata siya o sinapok ng kalasag ng mga pulis.

Nagsipag-atrasan kami noon.

Pumunta lamang ang mga estudyante para idiin ang pambansang soberanya, pero sa sariling lupa ay itinaboy sila ng mga galamay ng Estado.

Kanina, ‘di lamang tear gas kundi water cannon din ang isinalubong ng mga pulis sa mga tagasuporta ni Fernando Poe Jr at iba pang nagpoprotesta laban sa umano’y pandaraya ng administrasyon noong nakaraang eleksyon.

Masakit ma-tear gas. Maluluha ka talaga. At magagalit ka.

Gaya kanina, nagngingitngit ang mga tao. Hindi lamang sila na-tear gas. Nagparang mga basang sisiw rin sila.

Ang larawan ay screenshot mula sa June 30, 2004 issue ng tabloid na Bagong Umaga.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center