“Ayokong maging magkaibigan lang tayo, eh. Gusto ko, ako na lang ang mahalin mo. Tayo na lang, Lira. Puwede ba ‘yun?”

Linya ‘yan ni Goryo (Tom Rodriguez) kay Lira (Carla Abellana) sa pelikulang “So It’s You.” Kung kahit minsan sa buhay mo’y nabasted ka, na-reject, o kaya’y iniwan ng mahal mo sa buhay, makaka-relate ka sa pelikulang ito.

Sa araw ng kanilang kasal, si Lira ay iniwan ni Tony (JC De Vera). Samantala, si Goryo naman ay tuluyan nang nawalan ng pag-asang maging sila muli ng nanay ng kanyang anak na si Nonoy (Marc Justine Alvarez). Ang dati niyang kasintahang si Rose (Bangs Garcia) kasi, nagsabi nang ikakasal na siya sa iba.

soitsyou_cast

Kapwa sawi, tila pinagtatagpo ng tadhana sina Lira at Goryo. Dahil sa mga sapatos na likha ni Goryo, dalawang beses na magkukurus ang kanilang mga landas hanggang sa tuluyan silang magkakilala at maging magkaibigan. Pero dahil naniniwalang “if you love someone, huwag mong pakawalan,” wari’y hindi malimutan ni Lira ang dating kasintahang ikakasal na rin sa ibang babae, si Pauleen (Gee Canlas). Gagamitin ni Lira si Goryo para subukang pagselosin si Tony, na follower pa rin niya sa social media. Si Goryo naman, mahuhulog ang loob sa dalaga.

soitsyou_tomcar

Sa bandang huli, pagsisisihan ni Tony ang pang-iiwan kay Lira, at magkakabalikan silang dalawa kahit may sabit na ang lalaki. Ipagtatapat naman ni Goryo ang nararamdaman niya para kay Lira at makikiusap na maging sila na lang. Malalaman mo kung para kanino ang linyang “So It’s You” sa pagtatapos ng pelikulang handog ng Regal Films sa direksyon ni Jun Lana.

soitsyou

Sa “My Husband’s Lover” ng GMA-7 kung saan una silang nagkasama, mas madalas na seryoso ang mga karakter na ginampanan nina Carla at Tom. Pero sa “So It’s You,” makikitang puwede rin pala silang magpatawa. Kasama rin nila ulit sa pelikula si Kevin Santos, na gumanap na Jojo, closet gay brother ni Lira na makakatambal naman ng beking katrabaho ni Lira na si L.A. (Paolo Ballesteros). Maaliw ka rin sa mga hirit at gimik nina Jojo at L.A.

soitsyou_paoloandkevin

Nakaka-touch ‘yung mga eksenang gaya ng pagsali ni Goryo sa activity na para sa mga nanay lang para mapasaya si Nonoy; ang pagpapayo ng daddy ni Lira sa dalaga at ang pagtanggap ng pamilya sa ikaliligaya ni Jojo; at ang pagpapalakas ng loob ni Tiyo Carding kay Goryo. Si Joey Marquez ang gumanap na tatay nina Lira at Jojo, at si Arlene Muhlach ang nagsabuhay sa papel ng kanilang ina. Si Leo Martinez naman ang tiyo ni Goryo.

soitsyou_hospital

Kuhang-kuha naman ng “So It’s You” ang pagiging adik ng mga Pinoy sa social media. Bawat importanteng eksena, may selfie si Lira na ipino-post niya sa Instagram. Pati ang pagkukunwaring okay lang tayo, ang pagpapakita sa Facebook (o iba pang social networks) ng pinakamagagandang bahagi lamang ng buhay, at ang minsa’y pag-iimbento ng mga kuwento, naipakita rin ng kikay–at medyo jologs–na karakter ni Lira, na mula sa isang pamilyang yumaman dahil nanalo sa lotto.

soitsyou_trending

Matatawa, maiiyak, at kikiligin ka sa “So It’s You.” Nabigo ka man o hindi, nagpakabaliw o kumalma lang sa pag-ibig, medyo matatamaan ka rin. Ang pelikulang ito ay binigyan ng Cinema Evaluation Board ng rating na A, at may kilala akong nanood nito nang dalawang beses.

Ang lahat ng larawan ay mula sa Facebook page ng “So It’s You.”