Naalala ko noong mawalan ako ng pinakauna kong trabaho. May tatlong buwan pa lamang akong correspondent sa Manila Times–na pinamamatnugutan noon ni Ma’am Malou Mangahas–nang ito ay magsara matapos mapilitan ang mga may-ari na ibenta ang dyaryo sa isang crony ni Pangulong Estrada.

Sa isang pagtitipon ng mga taga-media noong kasagsagan ng isyu ng panggigipit sa Times, dumalo ang guro namin sa UP na si Prof. Carolina Malay at ang kanyang kabiyak na si Satur Ocampo. Ipinakilala ako ni Ma’am Malay sa kanyang asawa at sinabihan ako ni Ka Satur — na matagal ding naging reporter ng lumang Manila Times bago maging aktibista at rebolusyunaryo — na huwag daw akong mawawalan ng pag-asa.

Nakakapanlumo ang naranasan ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna kahapon. Kinaladkad, binuhat at itinulak siya ng mga pulis. Isinakay sa eroplano kasama si Ma’am Malay at ang kasamahang kongresista, si Teddy Casiño, para dalhin sa Leyte at iharap daw sa korte, pero ibinalik din sa Maynila sa gitna ng biyahe. Joyride ‘ika nga. Pero hindi joyful.

Pero hindi naman nag-iisa si Ka Satur. Kahit ang kanyang mga tagapanalig ay tila insektong nililipol sa kasalukuyan. Kahapon, nagdaos ng isang pagtitipong tinawag na “Free Satur, Stand for Justice” ang kanyang mga kaibigan sa pangunguna nina Vice President Teofisto Guingona at Senador Bobby Tañada.

“I understand he’s the longest detainee in many camps. Kaya yung nangyayari sa kanya ngayon , refresher course lamang. Meron na siyang PhD kaya kahit saan siya makulong — ok kay Ka Satur. Sanay si Satur kaya we have to give him justice now because he deserves it,” wika ni VP Guingona.

Naroon din sa pagtitipon si Anto, anak nina Ka Satur, at tumulong mag-alaga sa aming mga Jardine Davies scholars noong mga panahong nagsusumikap kaming maka-survive sa UP. Napaiyak si Anto habang sinasabing “Ang gusto lang naman namin ay maglingkod sa bayan.” Sa mga bintang sa kanyang ama, ito ang sinabi ni Anto: “I find it preposterous. He’s not capable of doing that.”

Tulad ng nasa text message na di ko alam kung naipadala ko sa kanya noong isang taon, gusto kong ibalik sa kay Anto at sa kanyang pamilya ang sinabi ng tatay niya sa akin noong labis kong dinaramdam ang pagkawala ng Manila Times. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center