Mula sa blog ni AJ, nalaman kong may petisyon na pala para palitan si Janina San Miguel bilang Binibining Pilipinas-World. Para sa maraming Pilipino, tila bukod sa boksing ay mga patimpalak ng kagandahan na lang yata — at ang husay sa pagsasalita sa English — ang pag-asa ng bansang ito.

Gustong palitan ng mga may-akda ng petisyon si Janina dahil sa kakulangan niya ng kakayahang mag-English, na nakita sa kanyang sagot sa question and answer portion ng Bb. Pilipinas 2008.

Sa kabila ng payong mag-Tagalog na lamang, pinilit ni Janina na magsalita sa wikang banyaga. Sa isipan ng maraming Pilipino, isang maipagmamalaking kakayahan ang makapag-English. Kapag may gusto tayong i-impress o kaya’y sindakin, nag-i-English tayo. Nitong biyahe namin ng pinsan ko pabalik sa Maynila, di namin alam na may nakapuwesto na pala sa inupuan namin. Pagdating ng mga nakaupo roon, bumanat ang babae ng, “Excuse me, that seat is taken.” Medyo nagulat ako, pero napa-English na rin ako.

Ang nangyari kay Janina ay nakapagpaalala ng sarili kong karanasan. Pagkatapos ng People Power 2, may may mga foreigner na nag-interview sa akin dahil sa artikulong Tinig ng Generation Txt. Sinabihan akong puwede naman akong mag-Filipino. Ewan ko ba kung ano ang naisip ko’t binanatan ko pa rin ng English. Semplang tuloy ako. Bihaw (awkward) na sa harap ng kamera, baluktot pa ang dila.

Ngunit bakit nga ba gustung-gusto nating mag-English-an kahit tayo-tayo lang naman? Nakakaintindi naman ang karamihan sa atin ng Tagalog (o Bisaya, o Kapampangan, o Ilokano), pero bakit ang mga programang puro Pilipino ang dumadalo ay kailangang gawin sa English?

Malalim ang ugat ng ganitong gawi. Nang sakupin tayo ng mga Amerikano, ginamit nila ang edukasyon para sakupin ‘di lamang ang ating bansa, kundi pati ang ating puso at isipan. Tinuruan nila tayo ng kanilang wika. At sa proseso, tinuran nila tayong maging kopya nila. Ayon nga kay Renato Constantino:

“English became the wedge that separated the Filipinos from their past and later to separate educated Filipinos from the masses of their countrymen. English introduced the Filipinos to a strange, new world. With American textbooks, Filipinos started learning not only a new language but also a new way of life, alien to their traditions and yet a caricature of their model. This was the beginning of their education. At the same time, it was the beginning of their mis-education, for they learned no longer as Filipinos but as colonials.”

May isang dantaon na ang nakalilipas, pero kitang-kita pa ang bakas ng pagiging kolonyal na ito. ‘Di lamang sa wika o pananalita, kundi sa ating mga pinanonood, kinakain, at iniidolo. Naging kakaiba — at kadalasa’y katawa-tawa — ang sariling atin, at dakila ang sa dayuhan, lalo na para sa mga taong edukado.

Naging katawa-tawa para sa atin si Janina. Bobo raw siya, wika ng ilan. Ngunit ang ganoong panunuya ay bumabalik sa nagtuturo. Sapagkat ‘di ba’t kabobohan din ang pag-iisip na ang katalinuhan ng isang tao ay masusukat sa wikang kaya niyang bigkasin?

Ang totoo, hindi lamang kabobohan ang ganitong pag-iisip, kundi tanda rin ng misedukasyon.

(Ang larawan ni Janina San Miguel ay kuha ni  Raymond Saldaña at kinopya mula sa Bibinibining Pilipinas website).


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center