Dati na nating sinabi na isang inspirasyon para sa kabataan si Haydee Yorac, dating tagapangulo ng Philippine Commission on Good Government at 2004 Ramon Magsaysay Awardee for Government Service (PCGG). Isa siyang modelo ng lingkod-bayang marangal at tapat sa kanyang gawain. Inialay niya halos ang buong buhay sa serbisyo publiko.

Ngunit tulad ng marami nang istoryang paulit-ulit lamang, katarantaduhan na naman ang isinukli ng mga may kapangyarihan sa katapatan ni Yorac. Tunay ngang sa bayang itong ‘di lamang pugad ng luha at dalita kundi binabalot din ng kabalintunaan, ang anumang maliwanag ay pinipilit na palamlamin ng mga kalaban ng katuwiran.

Nang ipahayag ng Palasyo noong isang buwan ang pagbibitiw ni Yorac sa PCGG, ginawang rason ang kanyang kalusugan at pagnanais daw na muling bumalik sa private practice bilang abogado. Ngunit sa likod nito, mayroon pa palang mas malalim na dahilan. Masisilip na ito sa tono pa lang ng liham ng pagbibitiw na ipinasa ni Yorac sa Pangulo. Ang sulat ay inilathala ng Philippine Daily Inquirer.

“I am not interested in, nor will I accept, any other position in the government. Rest assured, however, that I will continue to keep my interest in the coco-levy and other PCGG cases while being out of government,” isinulat ni Yorac.

Base sa pahayag ni Yorac sa panayam ng Inquirer, makikitang noong isang taon pa man ay atat na ang Palasyo na tanggalin siya. Magka-kontra kasi ang posisyon nya at ng Pangulo sa isyu ng balak na pagbebenta ng sapi ng pamahalaan sa San Miguel Corporation. Ayaw ni Yorac sa minamadaling pagbebentang ito na maglalagay sa gobyerno sa dehadong kalagayan. Tinutulan din niya ang mga proyekto ng Palasyo gamit ang coco levy funds o buwis na ibinayad ng mga magsasaka mula sa kinikita nila sa paggawa ng lukad o copra noong panahon ng diktaturyang Marcos.

Dahil dito, ilang ulit daw na nagtangka ang mga nasa poder na kausapin si Yorac na magbitiw kapalit ang ibang puwesto sa gobyerno. Pero hindi siya pumayag hanggang sa siya na mismo ang magdesisyong umalis. Ngayong wala na siya sa gobyerno, mas malaya na siyang magpahayag ng kanyang saloobin tungkol sa mga ginagawa ng mga nasa kapangyarihan na tingin niya’y ‘di makatarungan.

Sa katunayan, ilang araw na ang nakalilipas, nalathala ang report tungkol sa kanyang pagkuwestiyon sa paggamit ng mga opisyal ng Coconut Industry Investment Fund (CIIF), isang grupo ng mga kumpanyang binuo gamit ang coco levy funds.

Ginagamit daw ng mga opisyal ang pondo ng CIIF sa pagbili ng mga sasakyan, sa paglalakbay sa ibang bansa kasama ang kanilang mga kabiyak, sobra-sobrang allowance, at pati sa pagsali sa mga golf club, mga luhong ani Yorac ay hindi abot-kaya ng mga magniniyog.

Isa ako sa mga susubaybay sa isyung ito na isiniwalat ni Yorac. Para sa mga kagaya kong apo ng mga magniniyog, kalaswaan ang abusadong paggamit ng coco levy funds–ang pondong naipon galing sa pawis ng aking lolo at lola at marami pang mga magsasakang umasang balang araw ay maibabalik sa kanila ang kanilang pinaghirapan.