Bumalik na ang kolum ko sa Peyups:

“Twenty five years of my life and still
I’m trying to get up that great big hill of hope, for a destination”
— What’s Up, 4 Non Blondes

By the time na binabasa ninyo ito, kakapagdiwang ko lang ng aking ika-25 kaarawan.

Kapag ganitong sumasapit ang aking kaarawan, nasi-senti mode ako. Napapaisip. Nagmumuni-muni. Lalo na ngayong taon. Dalawampu’t lima na ako. Nasaan na ako?

Bagamat inaatake pa rin ng samu’t saring pangamba, natutuwa ako’t hindi na kasinlala ng dati ang aking share ng tinatawag na “quarterlife crisis.”

Di pa kalaunan nang mabasa ko sa e-mail ang essay na “Being Twenty-Something” na sa kaka-forward ay hindi ko na ma-trace kung sino ang sumulat. Naka-relate ako nang una ko itong mabasa. Sabi nito:

“They call it the ‘quarterlife crisis.’ It is when you stop going along with the crowd and start realizing that there are a lot of things about yourself that you didn’t know and may not like. You start feeling insecure and wonder where you will be in a year or two, but then get scared because you barely know where you are now.”

Quarterlife crisis. Ito raw ang panahon na naiisip natin na ang mga pinili nating kaibigan na akala nati’y the best na sa buong mundo ay hindi naman pala pangmatagalan. Habang nagdududa tayo sa ating sarili, nagdududa tayo sa kanila. Ang hindi natin naiisip, kaya ganoon ay dahil sila man ay nasa ganitong stage rin ng kanilang buhay.

Ito ang panahon na pakiramdam nati’y nag-iisa tayo sa gitna ng malaking kalituhan. Naiisip natin kung bumitaw na ba tayo, o nalimutan na natin ang ating mga pangarap. May mga pagkakataon ding kinasusuklaman natin ang ating trabaho. Pakiramdam nati’y nakakabobo ito, nakakapagod at ni hindi natin nakita noon ang ating sarili na ginagawa ang ganitong gawain. Pero hindi naman natin maiwan dahil takot tayo sa pagbabago. Masuwerte ako, nalagpasan ko na ang ganitong panahon, at sana’y di ko na muling balikan.

Sa tingin ko, ito rin ang panahon na napapansin natin lalo ang ating paggulang. Kamakailan, habang pinagkakaguluhan ng mga manonood ang grupo ng mga kabataan sa palabas na StarStruck sa GMA-7, naisip kong bigla na tumatanda na nga ako. Pito, walo, siyam na taon ang tanda ko sa mga bagong idolo ng kabataan ngayon.

Nagiging senti tayo sa kahapon, nagnanais na muling balikan ang nakalipas, bumabalik sa pagkabata (gaya ng mga ibang twenty-somethings, linggu-linggo kong inaabangan ang Shaider na paborito ko sa TV noong bata pa ako). Ngunit sumasampal sa atin ang katotohanang hindi na natin mababalikan ang nakalipas.

Pero sa yugtong ito ng ating buhay, sa kabila ng kalituhan at halu-halong emosyon, mas nakikilala natin ang ating mga sarili. Habang pinatitibay at pinalalakas ng panahon ang ating katawan, tumatatag din ang ating isipan at emosyon sa kabila ng mga pagsubok sa trabaho at mga relasyon.

Ngayong magda-25 na ako, natutuwa ako dahil kahit at hindi perpekto ang buong buhay ko, sa kalakhang bahagi ay masaya at maayos ito: may lakambining katuwang sa maraming bagay, may trabahong mapanghamon na posibleng pang mas maging kanais-nais, lalo na sa usapin ng pananalapi (hindi na ako nalulubog sa utang sa aking mga kaibigan), at may regular na komunikasyon sa aking mga mahal sa buhay.

Sa kabila ng lahat ng ito, kapag inatake pa rin ako ng paminsan-minsang pangungulit ng “quarterlife crisis,” iisipin ko na lang na lilipas din ito. Gaya ng sinabi sa huling bahagi ng binanggit kong sanaysay, karamihan sa mga ganitong gulang ay nakakaranas din ng “quarterlife crisis.”

Unang nalathala sa Pinoy Gazette at sa Peyups.com.

Salamat pala kay Jun sa pagpa-plug sa column ko sa site niya. Bisitahin ninyo ang Ibaan.net. May bagong layout ito.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center