Kami ang Generation Txt. Malaya, masayahin, malikot, makulit, masipag, malakas, makabayan, matapang, may direksiyon, at may paninindigan.
Itinatatwa namin ang kanluraning konseptong Generation X pilit na ikinakabit sa amin ng pandaigdigang kulturang komersiyal. Ang GenXers ay sinasabing lito, malabo, walang direksiyon, palaasa ngunit mapaghimagsik.
Subalit rebelde rin naman kaming mga kasapi ng bagong salinlahi.
Mainit ang aming pagtanggap at niyakap namin nang buong kasiglahan ang rebolusyon ng mga bagong teknolohiya. Di nga ba’t sinasabing naghahari ang Pilipino sa CyberSpace at ang Pilipinas ay napapaulat na text-messaging capital ng buong daigdig.
Gamit ang mga bagong teknolohiyang ito, kami man ay nanguna sa isang pag-aalsa na nauwi sa pagpapatalsik ng isang umano’y sagad-sagarang gahaman at walang kakayahang pinuno ng bansa.
Mabilis ang aming naging tugon sa kataksilan ng labing-isang tuta ni Jose Velarde (na kilala rin bilang Asyong Salonga at Joseph Estrada at mas popular bilang Erap). Ang impormasyon at panawagang nakarating sa amin sa pamamagitan ng text at ng e-mail ay tuluyang nag-ugnay sa kalat-kalat na mga organisado at di organisadong protesta. Mula sa aming mga tahanan, paaralan, dormitoryo, pagawaan, simbahan, bumuhos kami sa mga lansangan upang doon ituloy ang paglilitis – ang impeachment trial na nawalan na ng kabuluhan.
Ang lakas ng aming mga celfon at computer ay isa sa mga nagsilbing mitsa upang pumutok ang ikalawang pag-aalsa o People Power revolution II na naganap hindi lamang sa EDSA kundi maging sa Mendiola at iba pang pook mula sa hilaga hanggang katimugan ng Pilipinas. (Oo nga pala, hindi EDSA Dos ang katatapos lamang na pag-aalsa-ito ay mas nararapat tawaging People Power II.)
Inilarawan ng People Power II ang ilan sa mga katangian ng aming salinlahi: Masaya, makulit at malikot. Kami’y nagsipagsayawan at nagkantahan. Hindi namin kailanman isusuko ang aming kalayaan sa isang sugarol, babaero at lasenggong pinuno. Hindi ininda ng karamihan sa amin ang limang oras na martsa patungong Malaca?ang upang sugurin si Joseph Estrada; Masipag, pagkat aming nilinis ang mga basurang iniwan ng pag-aalsa.
May direksyon, dahil ang hangarin namin ay isang tapat na pamahalaan, at isang hakbang patungo riyan ang pagkawala ni Erap. Makabayan, matapang at may paninindigan dahil ang aming pakikiisa ay hindi lamang dahil sa kasiyahang maka-gimik kasama ang barkada, kundi upang makaambag sa isang tunay na malaya at malinis na lipunan na hatid ng aming pagmamahal sa bansang Pilipinas.
Ayon kay Ninoy Aquino, “The Filipino is worth dying for”. Tunay nga, pagkat noong umaga ng pinagpalang araw ng Enero 20, marami sa amin ang nagdesisyong tumungo sa Mendiola at sagupain ang nagbabantang sakuna. Di pansin ang banta ng kamatayan, buong tapang na sumulong ang marami sa amin upang maipaglaban ang aming paninindigan.
Samantala, noon pa man ay may ilan na sa aming henerasyon na pumiling gumawa ng mas higit pa at sundin ang halimbawa ni Gat Andres Bonifacio. Ang ilan sa aming henerasyon-matagal nang panahon bago pa man ang ikalawang pag-aalsa– ay pumiling makibaka sa kabundukan at humawak ng armas upang tahakin ang marahas na landas tungo sa tunay na pagbabago.
Ang karamihan sa amin, bago at matapos ang pag-aalsa, ay matatagpuan sa aming mga paaralan, tanggapan o pagawaan, patuloy sa pang-araw-araw na takbo ng buhay, Nangangarap, nagsusumikap, para sa kinabukasan. Nagti-text, nag-i-Internet, naglilibang sa kasalukuyan.
Subalit sa tawag ng panahon, handa kaming tumugon. Muli at muli naming gagamitin ang aming lakas at kabataan, pati na rin ang aming mga gadyet upang masiguro ang kalayaan ng Inang Bayan at handa kaming bantayan ang patuloy nating paghahanap ng katarungan. Nasa panig namin ang kasaysayan, pagkat ayon kay Jose Rizal, kami, ang kabataan, ang “pag-asa ng bayan”.
Matapos ang ikalawang pag-aalsa, nangangako kaming militanteng babantayan ang administrayon ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang buong kasiyahang itutulak sa pintuan ng kulungan si Asiong Salonga.
Kami ang Generation Txt.
(Pinoy Times)