Isa ako sa mga nagulat at nadismaya nang ibalita ng kumpanyang Hewlett-Packard (HP) na ititigil na nila ang paggawa at pagbebenta ng smartphones at computer tablets nila. Pangarap ko kasing magkaroon ng kanilang Palm Pre phones — ang kanilang sagot sa iPhone ng Apple — at ng kanilang TouchPad — ang pantapat naman nila sa iPad. Itong TouchPad ay isa sa mga produktong ini-endorso ng ating Pambansang Kamao, si Manny Pacquiao. Matagal ko nang hinihintay na dumating sa Pilipinas ang gadgets na ito, kaya’t nakalulungkot na di na ito maibebenta pa rito.

Kapwa pinapatakbo ang Pre at TouchPad ng mobile operating system na HP webOS. Mahusay ang webOS: may multitasking kaya’t pwede mong magkakasunod na gawin ang pagche-check ng email o paglalaro ng games nang di ka mawawalan ng datos. Kaya rin nitong pagsama-samahin ang contact details ng mga kaibigan mo mula sa iba’t ibang kinalalagyan: sa address book mo man sa Yahoo!, o sa Google, o sa Facebook. Kapag may bago kang mensahe, tahimik mong makikita ang notification kaya’t di ka maaabala.

Ang webOS operating system ay gawa ng Palm, ang kumpanyang nakilala dahil sa kanilang Palm Pilot — isang digital organizer. Halos lahat ng makabagong features ng cellphone mo ngayon — ang touch screen, ang bonggang address book, ang pagsi-sync ng datos mo sa cellphone papuntang computer at vice versa, masasabing Palm ang nagpasimula. Patok na patok ang gadgets nila, mula Palm Pilot hanggang sa Treo phones. Madali kasing intindihin at napakaraming gamit. Kahit iPhone na ang pangunahing phone ko ngayon, ginagamit ko pa rin ang lumang Palm Centro ko.

Pero nitong nakalipas na dekada, bumagal ang pagbabago sa kanilang mga produkto, humina ang benta, at naungusan sila ng Blackberry at Apple. Naipakilala na nila ng Palm webOS, ang bagong mobile operating system na ipinalit nila sa paborito kong maasahan ngunit niluma na ng panahong Palm OS, nang bilhin ng HP ang kumpanya. At naging HP webOS ang Palm webOS.

Sinubukan ng HP na makipagtapatan sa Apple, ngunit tila nahuli na sila sa biyahe. Kaunti na lang ang ang na-excite sa mga produkto nila — malamang ay iyong mga loyal fans lamang na gaya ko. At nitong isang linggo nga, pumutok ang balitang ititigil na ang mga produktong webOS, at balak ibenta ng HP ang bahagi ng kanilang kumpanyang gumagawa ng mga personal computer at iba pang produktong kinabibilangan ng Pre at TouchPad. Samantala, itutuloy pa rin daw ng HP ang development ng webOS at baka ipagamit o ipa-license nila ito sa ibang manufacturers.

Kabalitunaan ang mga sumunod na nangyari: ibinagsak-presyo ng HP ang TouchPad mula $399 patungong $100 sa Estados Unidos. Mabilis na kumalat ang balita at nagkumahog mga tao sa pagbili. Out of stock na ang TouchPad sa mga tindahan at sa mga nagbebenta online. Sinubukan ko pa ngang mag-order online, pero nakansela rin ito.

Kahit nakabitin ngayon ang kapalaran ng mga produktong webOS, umaasa ang mga masusugid nitong tagasunod na na di pa ito ang wakas ng makulay na kasaysayan ng Palm. Ilang ulit nang namatay at nabuhay ang Palm: naibenta, muling nabawi ng mga tagapagtatag, namayagpag, nalaglag, at nabiling muli. Sa pagsuko ng HP, maaaring di pa ito ang huli.

Isa sa pinakaaktibo at loyal ang komunidad nito. Sabi nga naming mga Palm fans sa Internet, pagkatapos ng kabanatang ito ay hihintayin namin ang bagong webOS gadget na papangalanang Phoenix — sana Palm Phoenix.

(Pinoy Gazette)