(Unang nalathala sa Pinoy Gazette noong Setyembre 23, 2012)

Parang pista ang kampanya at eleksyon sa Pilipinas. Matao, maingay at masaya — pero minsan kapag may tinotopak nagiging magulo. At sa mga panahong ito, kung tutuusin ay bida dapat ang mga partidong pulitikal. Pero dito sa pugad ng ating luha at dalita, mga pangalan at mukha ang itinatanghal.

Nitong nakalipas na mga araw, laman ng mga balita ang pagiging mahaba ang hair ng ilang pulitiko. Hindi literal na long-haired, kundi ang gaganda at ang guguwapo ng mga lola at lolo n’yo: pinag-aagawan kasi sila ng mga alyansa’t partido.

“Grace Poe Torn Between Two Parties.” “Wooed by 2 suitors, [Loren] Legarda is tickled pink.” “UNA or Liberals? [Chiz] Escudero can’t make heads or tails.” ‘Yan ang mga headline sa dyaryo. Wari’y “Sana Dalawa Ang Puso Ko” ang drama nina Legarda, Poe, at Escudero. Sa administrasyon ba sila o sa oposisyon? Sa kampo ba ng pangulo (Partido Liberal), o sa koponan ng bise nito (United Nationalist Alliance)?

Sabagay, hindi na nakapagtatakang mangyari ang ganyan kina Escudero at Legarda. As of this writing, kapwa pa sila miyembro ng Nationalist People’s Coalition ni Danding Cojuangco. Sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, hindi mawari kung administrasyon o oposisyon ang partidong ito.

Ayon sa report ng “State of the Nation with Jessica Soho,” co-listing ang tawag sa paglalagay ng isang kandidato sa slate ng dalawa o higit pang partido. Noong halalang 2010 raw ay in-endorso si Senador Miriam Defensor Santiago ng anim na partido.

Sabi ni UP Prof. Clarita Carlos, dapat tingnan ang implikasyon ng gawaing ito sa mga pangako ng mga pulitiko. Dahil hindi naman sila sumusunod sa plataporma at programa ng mga partido, hindi raw sila masisingil sa kanilang mga pangako.

Nitong nakalipas na buwan, si Senador Koko Pimentel, pangulo ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban na kasama sa alyansang UNA, ay nagpasyang maging guest kandidate ng Liberal matapos isama ng UNA sa senatorial line up ang kalaban ni Pimentel na si dating Senador Migz Zubiri. Na-gets n’yo ba? Ang gulo, ‘di po ba?

Ilang buwan na ang nakalilipas, inahayag ang pagsasama ng Liberal at Partido Nacionalista sa halalang 2013. Matapos magbatuhan ng putik noong 2010 ang mga tagasuporta ng kandidatong “walang bahid, walang duda” at ng “tunay na mahirap,” magkakampi na ang mga alipores nila sa susunod na halalan. Pero nagulat pa ba kayo?

“Only in the Philippines” o “Politics. It’s more fun in the Philippines?” Ano sa tingin ninyo?


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center