“Ito ay para sa mga masa,
sa lahat ng hindi marunong bumasa
sa lahat ng masa…”

HINDI AKO si Ely Buendia ng paborito kong Eraserheads; medyo kahawig lang niya ako–kapag nakahiga. Pero gaya ng kanilang kantang Para sa Masa, ang sulating ito ay para rin sa mga masa (pero hindi yung nag-iisip at organisadong masa ni Liza Masa ng Gabriela’t Bayan Muna).

Sa kawalang pag-asa, ang masa’y kumakakapit sa ilusyon. Dahil sa dantaong pagkalugmok at pagkakalublob sa kahirapan, nawawalan sila ng pundasyong masasandalan.

Nang dahil sa lubhang kulang na serbisyo pampublikong dapat na ipagkaloob ng pamahalaang dapat sana’y kumukupkop sa kanila, nanatili ang kawalang kalidad ng edukasyong nakukuha — kung mayroon man –ng kabataang masa. Dahil dito, napipigilan ang paglago ng kanilang kaisipan at nananatiling nahihimbing ang kanilang kamalayan.

Sa kawalan ng mahahawakan, naglalambitin sila maging sa mga lubid ng kasinungalingang siya ring gumagapos sa kanilang kamalayan. Nararahuyo sila sa pekeng ningning ng mga bituin sa langit-langitan ng pinilakang tabing. Niyayakap nila ang mga kathang isip na istoryang pansamantalang nakapagpapamanhid ng kumakalam na sikmura.

Kaya’t isinisilang ang mga idolong pampinilakang tabing na ipagtatanggol nila hanggang kamatayan. Kaya’t nahalal maging sa pinakamataas na tanggapan ng republika ang isang walang muwang.

Sa tulong ng ilang mala-kulto at mala-negosyong simbahan, lalong nahahaling sa opyo ng maling paniniwala ang masa. Tila iisang katawan ang masang “kapatid” kapag sumusunod sila sa dikta ng kanilang mga ministro — isusulat sa balota ang nais ng nakatataas — yayakapin ang anuman, kahit kasinungalinga, na isusubo ng mga ito. Ikukubli sa anyo ng pananalangin ang mga pagtitipong nagtatanggol sa kapalpakan at katusuan ng kanilang pangulo.

Ngunit habang kumakahig ang masa, naghuhukay ng mapapakinabangan sa basura, ang kanilang idolo naman ay nagpapasasa sa kayamanan, katanyagan, pagkain at babae. Habang maghapong nagrerebolusyon ang sikmura ng masa, maghapon namang bundat sa litson at kung anu-ano pang masasarap na pagkain ang kanilang minamahal na litson.

Habang nangangarap ang masa at patuloy na umaasa sa pagkaahong idudulot ng kanilang minamahal na tagapagligtas, abala naman ang kanilang bida sa higit pang pagpapayaman. Kaya naman kahit sa barya-baryang isinusugal ng masa, nakakulimbat ang kanilang idolo ng milyun-milyong piso.

At kapag kahit mahirap paniwalaan, sa mala-himalang mga pangyayari ay umusad ang hustisya sa bayang ito, at tumuntong sa bilangguan ang bidang mandarambong, lumuluha, nagwawala, nag-aalsa ang masa.

Sa udyok ng matalino’t mapagmataas na pulitikong napapabalitang may sira sa ulo — pero takot namang tumalon mula sa eroplano — lalong mag-iinit ang galit ng masa dahil sa kinasapitan ng kanilang idolo. Magtitipon sila sa isang makasaysayang lugar at mababastos ang alaala ng tunay na paghihimagsik para sa pagbabago. Isisigaw nila ang pagbabalik na ayon sa kanila’y “tunay na gobyerno ng sambayanang Pilipino.” Aaliwin, uutuin, uululin, pasasayawin sila ng mga komedyanteng sinungaling na nagbabanyuhay ng ilusyong pagkaahon.

Nabigo na silang minsan, ngunit patuloy silang kumakapit sa kabalintunaan. Paano sila masasagip mula sa tuluyang pagkalunod sa mundo ng ilusyon at kasinungalingan?

Sunduin natin ang masa. Kahit ayaw pa nilang sumama.

==========
Unang nalathala sa Pinoy Times
Mayo 1, 2001