Noong mas bata pa ako, may pinsan akong crush ng bayan na nasugatan sa may ilong dahil sa paputok. Sa halip na maawa, ang naaalala ko’y natatawa kami sa kanya dahil para siyang si Rudolph the red nosed-reindeer. May karanasan din ako sa kakulitan, pero sa lusis lamang. Inilagay ko sa kahong posporo ang pulbura mula sa lusis, tapos ay sinindihan ko. Ayun, namaga ang ilang daliri ko.
Kung ako, daliri namaga lang ang daliri, may mga mas pasaway tayong mga kababayan na napuputulan ng daliri dahil sa paputok. Hindi pa man dumarating ang bisperas ng Bagong Taon, umabot na sa mahigit 70 ang nasugatan dahil sa paputok, at mahigit kalahati nito, naputukan ng piccolo. Nakapagtatakang bawal ang mga paputok na gaya ng piccolo at watusi, pero karaniwang ginagamit ito ng mga bata.
Samantala, sa Baguio, ipinagbabawal na ang pagbebenta ng paputok. Sa Davao naman, 2001 lang pala, banned na ang mga paputok. Noong 2002, nagkaroon ang lungsod ng isang ordinansang nagbabawal sa paggawa, pagbebenta, pamamahagi, pagdadala at paggamit ng mga paputok.
Sa Kamaynilaan at iba pang probinsya, ano kaya ang pwedeng gawin?