(Unang nalathala sa Peyups.com)

Parang pakikipagromansa ang pagkatha.

Ang mga titik ay gawing sundot sa kiliti ng mambabasa. Ang mga salita’y dapat maging tila batubalaning humihigop ng diwa. Bawat pangungusap ay kailangang maging tila mga indayog na naghahatid ng ligaya. Maging ang mga patlang at tuldok ay dapat na humantong sa kaganapan ng katha. At higit sa lahat, kailangang masustansiya ang katas ng panulat.

Sa simula, titigan ang napupusuang paksa. Sikaping suyurin at alamin ang bawat aspeto nito.

Mahalagang maging suwabe ang unang mga haplos. Bawat dampi ay dapat maghatid ng kiliti at magpasidhi ng pagnanasang basahin ang iyong katha. Laruin ang kanyang isipan, ngunit huwag na huwag isipin ang siya’y paglaruan. Hangga’t maaari ay magbahagi ng maaari niyang matutunan, lalo na kung siya’y baguhan.

Isang pag-atake ang pagsusulat–dahil kung hindi, tila ito lantang gulay na walang anumang epekto sa mambabasa. Kaya naman kailangan siyang ihanda sa iyong pagsalakay. Maging kapanapanabik! Dapat niyang abangan ang mga kasunod mong ibabahagi.

Kapag nahuli mo na ang kanyang kiliti, at nakuha mo na ang kanyang buong atensiyon, pati na rin kanyang imahinasyon, saka madiing itarak ang iyong panindigan at hayaang pumulandit ang iyong punto sa pinapaksang usapin. Lunurin siya sa makatas na ideyang makapagpapabago o makapagpapatibay sa kanyang pananaw. Hayaan siyang maglunoy sa kasukdulan ng iyong panitik.

Kapag nagawa mo ito, ang iyong mambabasa’y muli at muling babalik sa iyo.