Dalawampung taon na ang nakalilipas, nagkaisang-diwa ang sambayanang Pilipino sa pagbawi sa kalayaang inagaw ng isang diktador. Naganap ang EDSA People Power Revolution–ang handog ng Pilipino sa mundo–na nabalita at ginaya sa buong daigdig.

Kanina, ipinahinto ng maykapangyarihan ang lahat ng pag-alaala sa yugtong iyon ng ating kasaysayan. Ngunit bago iyon, ibinaba ang isang kautusang naglalagay sa panganib sa kalayaang binawi ng Pilipino sa EDSA noong Pebrero 1986.

Nagising tayo sa balitang napigilan ng pamunuan ng sandatahang lakas ang tangkang pagpapahayag ng ilang pinuno at kasapi ng tanggulang pambansa ng kanilang pagbawi ng suporta sa pamahalaang Macapagal-Arroyo.

Ngunit sa kabila ng tagumpay na ito ng pamahalaan, biglang isinailalim ni Arroyo ang buong bansa sa state of emergency o kalagayan ng pambansang kagipitan. Kahit na sinabi niyang ang ang sitwasyon ay ‘under control’, ang umano’y sabwatan daw ng mga rebeldeng sundalo at mga rebeldeng komunista ay naglalagay sa bansa sa ‘malinaw at kasalukuyang panganib sa bansa at sa taong bayan.’

Kung nade-dejavu kayo, ito’y dahil ang dahilang iyan din ang isa sa mga ginamit ng diktador na si Ferdinand Marcos nang ibaba niya ang Batas Militar noong Setyembre 1972.

Samantala, ipinahayag naman ng punong alalay ni Arroyo, ang dating aktibistang si Mike Defensor, ang pagbabawal sa lahat ng rally–kahit na ‘yaong isasagawa upang ipagdiwang ang anibersaryo ng People Power.

Ngunit ang mga mamamayang dalawang beses nang nagwagi sa EDSA People Power–noong 1986, at muli, noong 2001–ay hindi papayag na hindi ipagdiwang ang mga tagumpay na ito. Kasabay ng pag-alaala sa EDSA, muli rin nilang iginiit ang panawagang bumaba na sa puwesto si Arroyo, na kilala rin bilang pekeng pangulo.

Mas lalo namang bumangis ang pulisya dahil sa ibinabang kautusan ng kanilang kumander. Ang mga mamamayang mapayapang nagpoprotesta ay binuwag, at ang iba’y ikinulong, na para bang wala nang bisa ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagpapahayag na nakasaad sa Saligang Batas.

Sa araw na ito, ang pagdiriwang ay naging kabalintunaan. Sa araw na ito, itinapon ni Gng. Arroyo ang natitirang pamana ng isang pinakamaningning na bahagi ng ating kasaysayan sa nakalipas na dalawampung taon.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center