Kuya Ederic and Alvin circa 90sMakalipas ang mahabang panahon, nagkausap kami sa telepono noong isang gabi ng “little brother” kong si Alvin. Noong mga bata pa kami, dahil mga henyo (kapal ba?), lagi kaming magkasama sa Math Olympiad at iba pang school competitions. Siya ang pambato ng Ipil Elementary School at ako naman sa Ipil High School, at siyempre lagi kaming nagcha-champion! Tuwing magpapakilala sa mga girls, lagi naming sinasabi na magkapatid kami. Pero ang totoo, magkaibigan at magkasama lamang sa simbahan ang aming mga nanay na parehong katekista. Lusot na sana dahil pareho kaming dark, intelligent, and cute, hanggang sa may magtanong na isang makulit na batang babae: “Eh kung magkapatid kayo, bakit magkaiba kayo ng apelyido?” Oo nga naman. Bistado tuloy ang mga guwapo!

Anyway, nagkausap nga kami bigla noong isang gabi matapos kong malaman ang landline number niya. Siyempre excited kami pareho. Tagal na kaya naming hindi nagkakulitan. Bigla ko siyang tinanong: “Ilang taon ka na nga ba?” “Veinte na ako, Kuya!” “Ha?!” nagulat naman ako. Nung huling makita ko yung batang yun, nagbibinata pa lang. Tapos ngayon ko lang na-realize na tatlong taon lang pala ang tanda ko sa kanya. Strange lang. Tumatanda na ako, tumatanda na kami. Yung little brother ko dati, ga-graduate na rin pala ng college at niyayabangan na ako tungkol sa girlfriend niya, at kinakantiyawan ako tungkol sa “The Love I Lost But Was Never Really Mine” — hanapin daw namin, heheh. Ambilis ng panahon, sobra!