Sa isang liham sa pahayagang Today, isang Nelia C. Halcon, Executive Vice President ng Chamber of Mines of the Philippines, ang nagsabing ang mga tumututol daw sa pagminina ay lumalaban sa pagsisikap ng pamahalaan at ng mga negosyante na maisulong ang kaunlaran.

Ganito ang isinulat niya:

“The strong opposition against local and foreign mining activities in the depressed province of Surigao del Sur illustrates and reinforces the hidden agenda by some 200 nongovernment organizations (NGOs) to resist reforms by government in alleviating poverty and in leading the country out of the fiscal crisis.”

Kaya aniya tinututulan ng mga NGO ang pagminina, gayundin ang pagtotroso, ay dahil natatakot ang mga organisasyon na kapag dumating na ang panahong umasenso ang mga ngayo’y naghihikahos dahil sa kaginhawang aniya’y idudulot ng kanilang negosyo kokonti na lang ang bilang ng mga mahihirap na mahahatak ng mga NGO na ito.

Pero numbers game ba ito? At bakit naman magpapakapagod sa pag-oorganisa sa mga mahihirap ang mga NGO na iyan? Ano naman ang mapapala nila sa mga poor people na kinukulit nila? Medyo mahina lang ang ulo ang tatanggap ng kanyang sinasabi na natatakot lang ang mga NGO na komonti ang bilang ng mga kasapi nila kapag napayaman na nila ang mga taong nakatira sa mga lugar na ang likas na yaman ay hinuhuthot makinarya ng malalaking minahan.

Subukan niya sigurong bumisita sa aming lalawigan–ang Marinduque. Tingnan niya kung pinayaman kami ng Marcopper. Tingnan niya kung ano ang idinulot sa amin ng ipinagmamalaki niyang minahan. Oo, umasenso ang maraming pamilya sa loob ng ilang panahon. Oo, nagkaroon ng paaralan, ospital, kuryente, at mga kalsada na ika nga niya’y hindi maibibigay kahit ng Simbahan.

Pero tingnan din niya ang pangmatagalang resulta ng ginawa ng minahan sa aming lalawigan. Maibabalik pa ba ang yamang dagat na sinira ng Marcopper sa “responsableng” pagnenegosyo nito? Isang magsasaka’t mangingisda ang aking lolo, si Tatay Andoy. Sa kaniyang mga kuwento noong nabubuhay pa siya, nakakapanghuli raw sila ng malalaki at malulusog na isdang pupuwedeng kainin ng aming pamilya o ibenta upang may maipambili ng bigas. Ngayon, kahit pagkatapos ng Calancan Bay Rehabilitation Program matapos ang disgrasya sa amin ng Marcopper, muli bang maibabalik ang ganoong klase ng huli?

Sabihin niya ang kanyang argumento sa mga magulang ng mga batang nagkasakit dahil sa minahan sa amin, at ewan ko kung paniniwalaan siya.

Iwagayway niya ang kanyang pangako ng karangyaan sa mga pamayanang inilubog ng rumagasang daloy ng tailings, at baka pagtawanan pa siya ng mga tao roon.

Para sa kagaya niyang nakakulong sa malamig na aircon sa magagandang gusali sa Ortigas, napakadaling akusahan ng kung anu-ano ang mga kasapi ng mga organisasyong nagsasakripisyo ng sariling panahon–at siguro’y maski salapi–upang matulungan lamang ang mga pamayanang nanganganib gahasain ng mga minahan.

Pero hindi madaling manghina ng loob ang mga organisasyong ito. Handa silang sagutin ang mga mapanirang akusasyon. Ang totoo niyan, nakabangga na rin pala nila noong isang taon–at marahil, sa marami pang pagkakataon–ang mga kinatawan ng malalaking minahan.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center